Editoryal - Daming unibersidad pero walang kalidad

MARAMING Pilipino ang gustong mag-aral. Lahat ay gustong makatapos ng kolehiyo. Kahit na isang kahig, isang tuka ang pamumuhay, pipilitin pa ring maigapang ang anak para makapagtapos ng pag-aaral. Kasi’y ang karunungan ang tangi nilang maipa­pamana sa mga supling na hindi makukuha ninuman.

Ang kahiligan ng mga Pinoy sa pag-aaral ang naging dahilan siguro kaya maraming nagsulputang paaralan. Isang negosyo na hindi na kailangan pang ianunsiyo at ialok sapagkat lalapit na mismo ang gus­tong mag-aral. Sa probinsya, maraming paaralang pribado ang dinadagsa ng mga mag-aaral. Katwiran ng mga magulang ay hindi na kailangan pang lumu­was ng Maynila para makapag-aral. Narito na sa mis­mong probinsiya ang unibersidad kaya dito na lang pag-aralin ang anak. Dagsa naman ang nagsi­pag-enrol. At makalipas ang apat na taon nagtapos na ang anak sa unibersidad. Tuwang-tuwa ang mga ma­gulang na napagtapos ang kanilang anak sa kabila ng kadahupan.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 2,180 ang mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa. Tinatayang 88 percent ng mga unibersidad ay pag-aari ng mga private individual samantalang 12 percent naman ang state colleges at universities.

Masyadong marami ang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa. Maganda sana ang maraming eskuwe­lahan subalit dapat nang higpitan sapagkat nawawalan na ng kalidad ang edukasyon na inio-offer ng mga unibersidad at kolehiyo. Maraming inia­alok na kurso ang mga unibersidad subalit walang ka­tiyakan kung may kalidad ang mga ito.

Noong nakaraang taon, ilang beses nang nag­banta ang Commission on Higher Education (CHED) na bubuwagin na nila ang mga kursong iniooffer ng mga unibersidad sapagkat wala ni isa mang nakaka­pasa sa board exam. Tinukoy ng CHED ang maraming nursing schools na taun-taon ay maraming guma­gradweyt subalit ni isa man ay hindi makapasa sa nursing board. Pero hanggang ngayon ang banta ng CHED ay hanggang banta lamang. Ma­raming nursing­ school ang patuloy na tumatanggap ng estudyante.

Walang kalidad na edukasyon ang inio-offer ng mga unibersidad at kolehiyo kaya nararapat na silang tuldukan.

Show comments