Gulo sa bar exams

ANO naman ito na pati bar exams ay hindi na rin pinatawad ng mga sira ulong manggugulo! May mga sumabog umano na pillbox sa De La Salle University kung saan ginaganap ang bar exams para sa taong ito. Ilang tao ang sugatan sa pagsabog, at ilan pa ang nasaktan dahil sa gulong naganap pagkatapos na sabog. Ang mga unang ulat ay baka isang “frat war” ang nagpasimuno ng gulo, na baka nauwi sa kantyawan, girian at nagkapikunan nang tuluyan. Kung mga frat ang nasa likod ng pagsabog at gulo, alamin kung anong mga frat ito at ipagbawal na sa paligid ng DLSU sa tuwing may mga board exams pang­habambuhay! May mga bar ops kasing ginagawa ang ilang mga paaralan, para magbigay suporta sa kanilang mga estudyante. Pero pag may mga frat na dumadalo, tiyak may tensiyon, pwedeng magkagulo pa! Baka ganito na nga ang nangyari!

Kaya wala akong bilib sa mga frat-frat na iyan, na karamihan ay mga duwag na tumatapang lang kapag marami na ang kasama. Tingin ko ito yung mga outcast ng mga pamilya, mga walang kwentang tao na hindi na pinapansin at kinakausap, kaya naghanap ng mga “brod” kung saan sila pwede makasapi. At ang kabalintunaan pa, mga gustong maging abogado! Kung away lang ang hanap bakit hindi na lang magpunta sa isang lugar na walang tao, walang media, walang makikialam at doon na lang magsagupaan, para matapos na? Bakit kailangan pa kung saan maraming inosente ang madadamay? Anong pinag-kaiba ng mga ito sa mga terorista? Sa Abu Sayyaf at MILF?

Wala na talaga akong narinig na magandang balita kapag fraternity na ang pinag-uusapan. May namamatay sa hazing, may gulong nagaganap. Kalokohan talaga. Huwag na nilang sabihin na brotherhood at lahat ng bolang iyan. Gulo at away lang ang hinahanap. Dapat harapin na ng PNP SWAT o SAF ang lahat ng mga frat na ito at ibigay na ang hinihinging gulo at away! Nakakatuyo na ng dugo ang mga ganyang klaseng balita, lalo na kapag may mga inosenteng nadadamay. Sa panahon ngayon, hindi na pwedeng ituring na mga bata iyan dahil ang krimen na ginagawa ay malala na. Kung walang kaugnayan sa frat ang pasabog, alamin at hanapin ang kriminal at itapon na sa kulungan!

Show comments