MARAMI nang mga pangyayari sa ating bansa kung saan, mismong mga otoridad, ahensiya o tanggapan ng gobyerno, nagtuturuan sa responsibilidad sa isang umusbong na problema.
Kapag papuri ang pag-uusapan lalo na sa accomplishment, nag-aagawan. Kapag liability na, nagtuturuan.
Si Juan dela Cruz at ang sambayanan ang laging kawawa. Sila na ang apektado, sila pa ang nalilito kung sino ang lalapitan.
Ang email na nakalathala ngayon sa espasyong ito ang isang halimbawa. Mula sa residente ng Makati City.
Basahing maigi at maging kabahagi ng BITAG na maipaalam sa otoridad at kinauukulan ang tungkol sa problemang ito…
Sir BITAG, ako po ay isang concerned citizen, gusto ko lang i-report yung ILOG malapit dito sa amin kasi after TYPHOON ONDOY hindi na nalinis yung ilog, puro basura ang makikita mo sa ilog hindi tubig. Ang ilog na ito ay kilala sa pangalan na SAPA/TAWIRAN sa bayan ng PATEROS, G. MANALO ST. at D. SILANG ST., BRGY. RIZAL, MAKATI CITY. Gusto lang naming ipalinis ang ilog na ito kasi natatakot ang mga residente dito sa sakit na DENGUE. May mga kaso na po dito sa sakit na dengue. Ipinaalam na po namin subalit wala pa ring aksyon ang bayan ng Pateros at bayan ng Makati. Sir, maawa na po sila sa amin, gusto ko maaksyonan agad ito dahil sa patuloy
na pagkalat ng pagdulot sa sakit na dengue…
Ilang buwan na ring tapos na ang eleksiyon, panahon na para magpakitang-gilas at kumilos ang nahalal na mga pulitiko ng dalawang nasabing bayan.
Mamamayang bumoto sa inyo ang apektado, ngayon niyo suklian ang botong pinangakuan n’yo.
Batu-bato sa langit, ang tamaan, siguradong mabubukulan dahil may pagkukulang!