'Di pa panahon para magsaya, Maj. Aristone Dogue!' (Update)

HINDI porke at naipalabas na sa BITAG, wala na kaming pakialam. Hindi dahil ilang taon na ang lumipas nang dumaan sa aming kamay, makakalimutan na namin ang isang kaso.

Sa krusada ng BITAG, kasama ang tuloy-tuloy na pag­subaybay namin sa aming mga kasong natrabaho.

Hangga’t humihingi ng hustisya ang mga nabiktima, patuloy namin itong tinututukan.

Nananatili ang bawat kaso na open file sa aming tanggapan hangga’t hindi pa ito natatapos, mapahukuman man .

Dahil dito, sinisigurado ng BITAG na updated at naipapaalam sa taumbayan ang mga progreso at balita sa mga kasong trinabaho ng BITAG.

Katulad na lamang ng isa sa mga kontrobersiyal na kasong inilapit sa amin ngayong taong 2010, ang reklamong panghu-hulidap at panggagahasa laban sa dating pulis Hilltop na si Chief Insp. Aristone Dogue.

Nakakalungkot man subalit nais ipaalam ng BITAG na dismiss ang kasong kriminal na isinampa ng mag-asawang nagrereklamo sa pulis na si Dogue.

Kasama rin sa sinampahan ng kaso ang noo’y mga tauhan ni Dogue sa Hilltop police na sina PO2 Jovylef  Subong at PO1 Rolando Opena.

Lack of evidence daw ang naging dahilan ng pagka-dismiss ng kaso, ayon kay Taytay Rizal Provincia Pro-secutor  Edgardo Bautista na siyang nagdesisyon sa kasong ito.

Matatawag na kawalan ng hustisya ito para sa mga nagrereklamo. Ang masahol dito, nag-counter charge pa ng kasong perjury ang pulis na si Dogue laban sa kaniyang mga biktima.

Pinangatawanan ng makapal na mukha nitong si Dogue na sinisiraan lamang siya ng kaniyang biktima kahit na isang pulis hilltop na noon ang lumapit sa BITAG at ikinanta ang mga kalokohan nitong si Dogue.

Subalit hindi ito dapat ikatuwa ng kampo ni Dogue ang pagka-dismiss ng kaso sa hukuman dahil hindi ibig sabihin nito na panalo na siya.

Aktibo at tuloy-tuloy pa ang kasong administration na isinampa ng mag-asawa sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa Philippine National Police.

Maaaring sa mababang korte nakalusot si Dogue, ‘wag kalimutang may kataas-taasang hukuman pa.

Kaya huwag ka muna magdiwang Chief Insp. Aristone Dogue, masyado pang maaga para ka magsaya.

Maliliit lang naman na tao ang kaya mo kaya naman hindi susuko ang VACC at BITAG sa labang ito.

Show comments