LAHAT ng bagay may katapusan, lahat may pagtutuos. Unti-unti nang nabibisto ngayon ang abuso ng political appointees ni Gloria Arroyo sa mahigit 160 government corporations at financial institutions. Ginawa pala nilang palabigasan ang mga posisyon sa gobyerno. Inumentuhan nila ang mga sarili ng milyon-milyong pisong bonus mula sa pera ng mamamayan. Dapat silang maparusahan.
Ihalimbawa ang ginawa ng 11 trustees sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Binisto ni President Noynoy Aquino sa State of the Nation na P94,000 kada buwan ang kinukubra nilang per diem kada buwan mula sa dalawang miting kada linggo. Bukod du’n meron pa silang katumbas ng 25 buwang bonus, na P94,000 din ang halaga ng bawat isa. Inimbento na nila ang kahit anong bonus. Merong bonus para sa linggo bago mag-Pasko, at meron din para sa linggo maka-Pasko, bukod sa araw mismo ng Pasko. Merong midyear at yearend bonus, at pati na rin bonus sa anibersaryo ng MWSS na bukod sa anibersaryo ng privatization nito. Umiling na nga si Sen. Frank Drilon na kulang ang letra sa abakada para gawing acronym sa iba’t ibang bonuses sa MWSS.
Nakagagalit din ang pagre-raid ng trustees na itinalaga ni Arroyo sa ating Social Security System. Kumikita na sila ng halos tig-P100,000 kada buwan sa per diem at allowances. Pero kumukubra pa sila ng tig-milyon-milyong piso bilang board directors sa mga kumpanya kung saan bimili ng investment shares ang SSS. Binisto ni Drilon sina SSS chairman Thelmo Cunanan, dati at huling president Cora dela Paz at Romy Neri, at trustees Sergio Ortiz-Luis at Sergio Apostol. Ibinulsa nila ang bonuses, profit shares at stock options mula sa directorships sa Philex, Union Bank at First Philippine Holdings Inc. Dahil sa pera ng SSS kaya sila naging mga directors, kaya dapat isinoli nila sa SSS ang salapi. Pero ibinulsa nila ang di bababa sa P300 milyon dahil sa kanila umano ito ibinayad. Kesyo pinaghirapan daw nila ang perang iyon — pero sa atin ’yon.