INAKO na ni Pangulong P-Noy ang responsibilidad sa palpak na pag-handle ng mga awtoridad sa madugong hostage crisis sa Quirino Grandstand dalawang linggo na ang nakararaan. Palibhasa’y walang gustong umamin sa responsibilidad sa mga tauhan niya, ang pobre ang nag-mea culpa! Yung iba’y nagpapahiwatig nga ng pag-amin pero may higing din ng paghuhugas kamay. Grabeh!
Pambihira ang ating Pangulo. Imbes na siya ang isalba ng kanyang mga tauhan, siya ang tila naging “shock-absorber” nila.
Mula sa pinakamataas na hepe ng Department of Interior and Local Government, Philippine National Police at ang “three-headed hydra” communication and information arms ng Palasyo ay walang ibig managot sa fumbled hostage crisis operations.
Ang tinutukoy nating “three-headed hydra” ay ang dating Press Office na ngayon ay binubuo ng isang Spokesman at dalawang Sekretaryo na hindi nagkakatugma-tugma ang sinasabi at naglalagay kay P-Noy sa balag ng alanganin.
Kung sa Japan lang at Korea nangyari iyan, hindi lang resignation ang mangyayari kundi suicide. Hindi ko sinasabing mag-suicide ang mga taong responsible sa pangyayari. Ang sinasabi ko lang ay dapat ipakita ng mga ito ang true mark of leadership sa pamamagitan ng pag-amin ng responsibilidad.
Nilinaw naman ng Malacañang na ang pag-ako ng responsibilidad ni P-Noy ay hindi nangangahulugan absuwelto na yung ibang dapat managot. Aba, dapat naman talaga! Kasi hindi magandang tingnan sa mata ng ibang bansa (lalu na ang Hong Kong) na manlalamig ang usapin nang walang napapatawan ng parusa.
Samantala, tiniyak naman ng Pangulo na hindi na niya papahintulutang mangyari uli ang naganap na insidenteng ikinamatay ng walong turistang Chinese sa kamay ng nagwalang police captain. Ito raw ay sa pamamagitan ng repormang pasisimulan niya sa PNP. Iyan naman ang inaasahan ng taumbayan. Sana’y magkatotoo na.