Dapat patas ang laban!

INAKO na ni President Aquino ang responsibilidad sa naganap na hostage-taking noong Agosto 23 kung saan walong turista ang napatay ng dating pulis na si Rolando Mendoza. Dahil siya ang presidente, sa kanya bumabagsak ang lahat.

Danyos ang hinihingi ng mga mambabatas, para sa mga pamilya ng biktima. Pero magkano naman? Pinag-iisipan din ng gobyerno kung magbibigay nga pero mag­kano? At ganun din, kung sakaling magbigay, titigil na kaya ang Hong Kong at babalik na sa dati ang relasyon ng dalawang bansa?

Nagsimula na rin ang opisyal na imbistigasyon na pinangungunahan ni DOJ Sec. Leila de Lima. Sa loob ng tatlong araw, maglalabas na ng opisyal na resulta ng imbestigasyon. Tanggapin naman kaya ito ng Hong Kong o magpipilit pa rin ng sariling imbestigasyon kung sakaling hindi makuntento sa resulta nila De Lima? 

Marami nang umamin sa kanilang pagkukulang at pagkakamali. Pero tila kulang pa rin kung mga mamba­batas ng Hong Kong ang tatanungin. Hanggang kailan tayo hihingi ng patawad at aamin sa ating mga kamalian? At para sa mga hindi nakaaalam, noong 2005 ay may mga pinatay na tatlong Pilipinong turista sa Tiananmen Square habang pababa rin ng bus. Pinagtataga sila ng isang Tsino nang walang dahilan! Humingi ba tayo ng danyos at opisyal na paliwanag para sa nangyari? Sa totoo lang, ni hindi pinag-usapan ang insidente sa media ng China. Parang winalis na lang ang insidente. Pero tayo, napanood ng buong mundo ang mga pagkakamali. Dapat patas naman ang laban.

Show comments