MUKHANG hindi na makaaahon sa kahihiyan ang Manila Police District (MPD) matapos ang madugong hostage drama sa Quirino Grandstand. Kitang-kita ng sambayanan ang palpak na pagsalakay ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng MPD. Kulang na kulang sila sa kagamitan. Dahil sa kabagalang mapasok ang bus, namaril na walang habas ang hostage taker. Naghagis ng tear gas pero wala silang gas mask. Ang paggamit ng dahas sa mga kaanak ng hostage taker na nagpasiklab sa galit kaya pinagbabaril ang hostages. Naging bayolente ang hostage taker nang makitang kinakaladkad at pinuposasan ang kanyang kapatid na si SPO2 Gregorio Mendoza.
Dahil sa pangyayari, nagtuturuan ngayon sina Mayor Lim at MPD official. Ika nga’y naghuhugas ng kamay para makaligtas sa parusa ni P-Noy. Tahasang inamin sa Senado ni dating MPD Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na si Lim ang nag-utos na arestuhin si SPO2 Mendoza. Dala lang kaya iyo ng kalituhan sa mga tanong ng mga senador kay Magtibay? Ngunit itinanggi ni Lim na siya ang nag-utos na posasan at arestuhin si SPO2 Mendoza dahil si Magtibay umano ang may responsibilidad sa naturang insidente. Ano ba yan? Kanya-kanyang palusot na para makaiwas sa kaparusahan. Ipinangalandakan ni P-Noy sa mga Hong Kong national at madlang people na papatawan niya nang mabigat parusa ang may sala.
Habang gumugulong ang imbestigasyon sa Senado at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, nalilito naman ang mga pulis-Maynila kung sino ang magiging hepe nila. Noong Martes, nagbitiw si Magtibay upang harapin ang imbestigasyon. Itinalaga naman si Senior Supt. Francisco Villaroman na OIC ng MPD. Pero di pa sumasayad ang puwit ni Villaroman sa puwesto ay agad siyang pinalayas dahil sa reklamo ni Mary “Rosebud” Ong na sangkot umano sa pagdukot sa dalawang Intsik noong si Sen. Panfilo Lacson pa ang chief PNP. Ang ipinalit kay Villaroman ay si Chief Supt. Robert Rongavilla. Galing si Rongavilla sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinuman ang mamuno sa MPD, tiyak na siya ang magmamana ng kahihiyan este magtutuwid sa pagkukulang ng mga naging hepe ng MPD para magkaroon na ng pagbabago. Abangan!