NAIWASAN sana ang madugong hostage sa Quirino Grandstand kung naging malamig ang ulo ng ilang opisyal ng Manila Police District habang isinagawa ang negosasyon. Ngunit talaga yatang kulang pa sa kasanayan ang mga pulis. Walong turista ang nagbuwis ng buhay sa nangyaring hostage.
Naiwasan sana iyon kung naging lihim ng pag-aresto sa kapatid ng hostage taker habang patuloy na isinasagawa ang negosasyon. Kinaladkad kasi ng mga pulis sa pangunguna ni Senior Supt. Robert Po ang kapatid ni Senior Insp. Rolando Mendoza (hostage taker) na si SPO2 Gregorio Mendoza at nagkagulo na. Nakarinig ng mga putok mula sa loob ng Hong Thai Travel Tourist bus. Iyon ang dahilan kaya nagmatigas si Mendoza na pawalan ang kanyang mga bihag. Sa aking obserbasyon nadismaya si Mendoza sa pagtrato ng mga pulis sa kanyang kapatid.
Hindi naman dapat sisihin ang media dahil mula nang maganap ang hostage drama ay nakatutok na ang mga ca-mera ng mga TV station upang ikober ang kaganapan. Hindi napigilan ng mga pulis ang mga usisero. May natamaan pa nga ng ligaw na bala. Di ba mga Sir?
Nang makatakas ang driver ng bus nagsisigaw ito habang papalapit sa kinaroroonan ng media at sinabing patay na lahat ang mga hostage matapos pagbabarilin ni Mendoza. Agad sumugod ang Special Weapons and Tactics (SWAT) sa bus na hindi man lang inalam ang sitwasyon ng mga hostage.
Ayon sa mga nakausap kong eksperto sa hostage drama, dapat munang biniripika nina Supt. Orlando Yebra at Chief Insp. Romeo Salvador kung may katotohanan ang isinisigaw ng driver. Marahil nabahag na ang buntot nina Yebra at Salvador nang makarinig ng putok kaya hindi na nila nagawang sumilip o sumubok na kausapin si Mendoza. Kitang-kita rin ng madlang people na kulang sa kagamitan ang mga SWAT. Tumagal ng humigit kumulang 30 minuto bago nila napatay si Mendoza at napasok ang bus.
Isinasagawa na ang eksaminasyon sa mga bangkay at sugatan upang malaman kung sa mga bala ng hostage taker sa mga sumalakay na SWAT nanggaling ang mga balang tumama sa mga biktima. Kahiya-hiya tayo sa buong mundo sa ipinamalas ng mga pulis. Kung sabagay hindi na natin maibabalik ang mga buhay ng mga dayuhan. Ang mabuting gawin ng Philippine National Police ay isailalim muli sa pagsasanay ang mga taga-MPD upang maging bihasa sa kanilang tungkulin. Dapat din isailalim sa neuro-phychiatric test ang mga pulis upang maiwasan ang ganitong sitwasyon. Abangan!