NASINAGAN nang hindi magandang ilaw ang BPO industry o “call centers” kamakailan dahil sa napapara- ming insidente ng nagkakasakit. Ngayon ay may bago na namang statistika ang industriya na ikagugulat ng marami: Dito pinakamataas ang bilang ng solo parents.
Ganito na ang realidad ngayon. Marami mag-asawang naghihiwalay, ng kusa o dahil sa trabaho. Marami nga ang hindi na umaabot sa pag-aasawa. Marami rin ang nakakabuo ng anak nang hindi pinaplano. Kasama na rito ang mga pobreng biktima ng pamumuwersa. Ayon sa isang pagsusuri, mas marami na ngayon ang nabubuhay mag-isa o nagpapalaki ng bata bilang solo parent kaysa mga nagsasama bilang mag-asawa.
Siyempre, kapag may anak, mas nahihirapan ang solo parent sa pagpapalaki. At, dahil sila ang nagsisilang, karaniwan sa solo parent ay babae. Sa pagnanais na matulungan ang ganitong lumalaking sektor, naipasa ng ating mga mambabatas at ni President Erap noong 2000 ang Solo Parent Welfare Act. Isa itong landmark legislation na nagbigay ng benepisyo sa mga solo parent sa pagkilala ng kanilang mga suliranin bilang nag-iisang magulang at upang matulungan silang mabigyan ng higit na magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Ngayong 2010 ay nagpanukala si Sen. Loren Legarda ng mga karagdagang suporta at benepisyo para sa kanila tulad ng diskwento sa damit, pagkain at gamot ng kanilang mga sanggol na anak. Kasama na rin sa proposal ang pagbigay ng karagdagang exemption sa buwis.
Walang kukuwestiyon sa pangangailangan ng mga solo parent, lalo na’t mag-isa nilang binubuno ang mga katungkulang karaniwang ginaganap ng dalawang magulang. Hindi nga lang nawawala ang ingay mula sa mga tagapagtanggol ng mga pamilya na para bang pinapaboran nang masyado ang sitwasyon ng solo parenting. Kinikilala ng Saligang Batas ang pag-aasawa bilang pundasyon ng pamilya at ang pamilya ang itinuturing ng Estado na pundasyon ng bansa.
Gayunpaman, hindi pa rin matatanggal ang katungkulan ng Pamahalaan na tumulong sa sektor na nangangailangan.
Ang adhikain, nasa ulap. Ang katotohanan ang siyang babagsakan sa lupa. Napapanahon ang pagrebisa ng Solo Parent Welfare Law upang higit itong maging kabuluhan bilang instrumento ng pagtulong sa mga bayaning solo parent.