PAGSAPIT ng gabi naglalabasan ang masasamang tao. Maraming grabeng aksidente ang nagaganap sa gabi, partikular paglampas ng hatinggabi. Ang dahilan ay iniisip ng mga motorista na wala nang mga pulis o MMDA na huhuli sa kanila kapag nagpatakbo nang mabilis, o kapag hindi na sumusunod sa mga batas trapiko katulad ng paghinto sa mga stoplight. Kaya grabe ang aksidente sa gabi kaysa sa araw.
Tila kakampi ng mga kriminal ang gabi, dahil natatago ng dilim ang kanilang mga masasamang hangarin. At tulad na rin ng mga lumalabag ng batas-trapiko, mas konti ang pulis na umiikot sa gabi kaysa araw. Ang dapat nga ay sa gabi mas umiikot ang pulis. Kung pwede nga, naglalakad sa kanilang mga teritoryo para mas marami silang nababantayan. Iyan ang wala sa atin, wala tayong mga “foot patrol” na pulis. Karamihan nasa mga sasakyan na nakatambay lang sa isang lugar. Kikilos lang kapag tinawagan na’t may krimeng naganap. Natural, nakatakas na ang mga salarin.
Pabor ako sa pagbalik ng mga checkpoint, basta’t maliwanag ang puwede at hindi puwedeng gawin ng mga pulis. Naging epektibo ang mga checkpoint noong panahon ng eleksiyon at may gun ban. Mas maganda kung walang pinipiling lugar ang mga checkpoint para hindi rin natutunugan ng mga kriminal. At maganda rin kung may mga naglalakad na pulis sa ilang mga lugar katulad sa mga lugar kung saan maraming tao kapag gabi. Sa mga lugar na maraming bahay, sa mga parking lot. Maaaring kulang ang tauhan ng PNP para mapatupad ito, kaya kailangan pag-aralan nang husto.
Tama rin yung plano ng MMDA na maglagay na rin ng mga traffic enforcers sa gabi, lalo na sa mga stoplight na kadalasan ay hindi na sinusunod kapag gabi na. Tiyak na marami silang mahuhuli sa mga unang araw o linggo na duty na rin sila sa gabi. Kapag alam na may mga nanghuhuli na rin sa gabi, susunod na sa mga batas-trapiko at mababawasan ang aksidente. Ang pagkakaroon ng mga pulis at MMDA sa gabi ang solusyon para mawala ang mga masasamang elemento.