“NGAYONG SETYEMBRE inaasahan sana namin ang pag-uwi ni mama pero paano na ’yan kung kinulong siya sa kasalanang hindi naman niya ginawa,” wika ni Babylyn.
Kalayaan ng kanyang ina ang inilapit sa amin ni Babylyn Apattad, 20 taong gulang ng Navotas City. Kasama niya ang kanyang tiyahing si Cora at lolong si Cesario. Iisa ang nais nilang mangyari, ang mapauwi si Clarita Apattad, 41 taong gulang.
“Tulungan n’yo po ang mama ko. Hirap na hirap na po siya dun, Mahigit isang taon na po kaming walang balita sa kanya,” sabi ni Babylyn.
Bata pa lang noon si Babylyn ay nangingibang bansa na itong si Clarita. Nais naman nilang matikman ang kaginhawaan ng buhay kaya’t pinili ni Clarita na magtrabaho sa ibang bansa.
Sa tulong ng Hannan International Manpower Inc. Agency ay nakaalis ng bansa si Clarita noong Setyembre 2008. Sa Riyahd, Saudi Arabia ang lipad nito at nagtrabaho bilang ‘domestic helper’.
Para kay Clarita, sanay na siyang magtrabaho sa ibang bansa dahil pangatlong kontrata niya ito. Marami na rin siyang naipundar… katas ng kanyang pagiging isang Overseas Filipino Worker (OFW). Natutunan na rin niya kung paano lalabanan ang lumbay na hindi makasama ang kanyang pamilya ng mahabang panahon.
Si Babylyn naman, ngayon pa lamang niya lubos na nauunawan at naiintindihan ang pangungulila sa kanyang ina. Wala naman siyang magawa dahil alam niya na para naman sa kanila ang lahat nang ito.
Makalipas ang tatlong buwan, una nilang naramdaman ang hirap ng kanyang ina na hindi naman pala-angal. Para raw siyang alipin sa bahay ng kanyang ‘employer’.
Tumawag ito sa ‘cell phone’ habang nagtatago sa banyo upang iparating ang kanyang matinding pakiusap.
“Kausapin n’yo ang Hannan para makauwi na ako at makabalik sa Pilipinas,” reklamo ni Clarita.
Minamaltrato umano si Clarita ng kanyang amo. Lagi rin daw siyang sinisigawan ng matandang inaalagaan niya at binuhusan siya ng mainit na tubig na halos ikalapnos ng balat niya.
Isang beses lang sa isang buwan sila makakuha ng balita mula kay Clarita. May nangyari rin na pangmomolestiya umano kay Clarita ng amo nitong lalaki nang paghahawakan siya sa maseselan na bahagi ng kanyang katawan. Nang magalit naman si Clarita ay sinaktan siya nito at binantaang huwag magsabi kahit kanino.
Sabi naman ng lolo ni Babylyn na si Cesario, nakausap din niya ang kanyang anak. Ikinuwento nito sa kanya na hindi siya pinapakain at kung minsan, panis na pagkain ang binibigay sa kanya.
Maliban pa rito, hindi lang iisang pamilya ang pinagtatrabahuhan umano ni Clarita. Dinadala rin daw siya sa kapatid ng kanyang amo at pinagtatrabaho. Halos wala na siyang pahinga.
“Walang tigil ang iyak ni mama tuwing nakakausap namin siya, pati kami nahihirapan sa sitwasyon niya dun,” wika ni Babylyn.
Ramdam nila na nasa panganib ang buhay ni Clarita. Wala silang magawa dahil malayo ito sa kanila. Nagpunta sila sa Hannan Agency at pinaalam ang kundisyon ni Clarita. Sinabi nito na maghintay lang daw at baka may ‘miscommunication’ lang na nangyari sa pagitan ni Clarita at amo nito.
Mayo, 2009, tuluyan nang naputol ang komunikasyon nila kay Clarita. Hulyo nang makatanggap ng tawag si Babylyn mula sa babaeng nagpakilala sa pangalang Marita, kasamahan daw ni Clarita sa trabaho. Ni-‘loud speaker’ ni Babylyn ang tawag. Nakapaligid ang buong pamilya at nadinig nilang,”
“Gumawa kayo ng paraan diyan. Tumakas si Clarita dahil sa pananakit ng kanyang amo at hirap ng trabaho. Pinahuli siya sa pulis at kinasuhan ng pagnanakaw ng alahas. Nakakulong siya ngayon sa Al Nhiza Jail,” balita umano ni Marita.
Tanging si Marita lang ang kanilang inaasahan para makakuha ng balita. Makalipas ang isang buwan, pati itong si Marita ay hindi na rin ma-contact.
“Pinanghihinaan na kami ng loob. Hindi namin alam kung anong gagawin at hindi kami makapaniwala dahil napakabait ng nanay ko. Hindi niya kayang gawin ang ibinibintang sa kanya,” kwento ni Babylyn.
Humingi sila ng tulong sa Hannan Agency at nakausap nila ang may-ari na si Edith Qwaider. Sinabi nito na wala silang magagawa hangga’t hindi pa nakakalabas ng kulungan si Clarita. Ang tanging maibibigay lang nila na tulong ay ang ‘ticket’ nito pabalik.
Ang ginawa nila Babylyn, nagpunta sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong Setyembre 2009. Nakausap nila si Ms. Mineth Flores at kinumpirma naman nito na nakakulong nga si Clarita sa Al Nhiza Jail sa Saudi.
Tuwing nagpa- ‘follow-up’ naman sila Babylyn ay wala pa raw ‘update’. Pinaliwanag sa kanila na kailangan pang hintayin ang desisyon ng gobyerno sa Saudi.
“Sana po ay mapalaya si mama dahil wala naman po talaga siyang kasalanan. Sana rin makausap man lang namin siya para malaman ang kalagayan niya dahil labis na kaming nag-aalala. Kung saan-saan na kami lumapit pero wala pa ring nangyayari,” pakiusap ni Babylyn.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwento ni Babylyn.
Bilang tulong, tinawagan namin si Undersecretary Rafael Seguis ng DFA para maasistehan ang kaso nitong si Clarita.
Nakipag-ugnayan siya sa ‘consul general’ ng Riyadh, Saudi para tingnan ang kaso nitong si Clarita na dalawang taon nang nakakulong.
Babalitaan namin sa inyo ang anumang ‘development’ sa kasong ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, paalala sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan. May pinirmahan kayong kontrata para magtrabaho diyan. Gumastos ang mga Arabo ng pamasahe, ‘agency fee’ para kayo’y manilbihan na ang pinakamababa ay dalawang taon.
May mga pagkakataon na pinagmamalupitan, minamaltrato at inaabuso ang ating ‘domestic helpers’. Bago kayo gumawa ng anumang hakbang makipag-ugnayan kayo sa ating embahada para maaksyunan ang inyong problema.
Hindi na mabilang ang mga kababayan nating domestic helpers na nakukulong dahil ang siste, kapag tumakas ka sa kanila, kakasuhan ka ng mga mababahong Arabong ito ng ‘Qualified Theft’ o sasabihing nagnakaw ka. Makukulong ka ng buwan o minsa’y taon pa at kapag napatunayang ika’y may sala saka pa lang ide-‘deport’ pabalik sa Pilipinas. Kung kulang pa ’yan, ikaw pa ang pagbabayarin ng ticket mo.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa gustong dumulog, ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Gumawa ng record ang West Pasig Revenue sa pamumuno ni Revenue District Chito Alberto ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa 106th Anniversary ng BIR noong ika-2 ng Agosto.
Nanalo bilang no. 15 over-the-goal collector sa buong Pilipinas at no. 29 sa taas ng collection ngayon 2010 kumpara sa 2009. Top Performer awardee din siya ng Quezon City Region matapos maging consistent over the target collector sa unang buwan ng taon.
Tumanggap ng karangalan si Alberto bilang back-to-back Handang Maglingkod awardee matapos niyang makamit ang pinaka prestihiyosong award na ibinibigay ng BIR bawat taon. Sana lahat ng Regional Director ay sumunod sa iyong accomplishment para mas umunlad ang bagong administrasyon ni PINOY AQUINO.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com