PAGCOR sale for $10 billion. Wow! Binaha na tayo ng usaping sugalan. Sa Bagong Entertainment City, pinagmamalaki ng grupong Razon at Sy ang kanilang bagong investments sa Gambling (o “gaming” para disimulado). Ang jueteng naman, hanggang ngayon ay napapag-usapan pa rin ang legalization. Ayon kina Sen. Escudero at Drilon, pawang sa pagpapalisensya na lang dapat ang PAGCOR. At ang mga pamahalaang lokal na pumapayag na patayuan ng casino ay nakatatanggap na ng kulang-kulang P .5 billion hanggang P2 billion kada taon.
Ang isa sa mga unang kasong natutunan ko sa law school ay ang United States vs. Salaveria. Taong 1918 noong ang isang huwes ay nahuling naglalaro ng panguingue (parang gin rummy), sugal na pinagbawal sa Bataan. Kinuwestiyon ang legalidad ng ordinansa. Ayon sa Mataas na Hukuman, social cancer ang panunugal. Bunga raw ito ng katamaran at kontra sa interes ng lipunan. Wala itong kahihinatnan kung hindi kahirapan at panloloko sa kapwa.
Noon pa lamang ay deklarado na ang pinakamaru-nong sa tatlong kagawaran ng pamahalaan na walang kabutihang madudulot ang sugal. Sa kabila nito ay hindi napigilan ang pag-usbong ng lahat ng uri ng sugal na halos lahat din, maliban sa jueteng, ay nagawang legal sa paglipas ng panahon.
Nang matanong si Presidential Spokesman Edwin Lacierda kung ano ang policy ni P-Noy sa sugal, ang sagot nito’y “whatever is now legal, that’s it”.
Subalit mukhang may sariling panlilinaw si Pangulong Aquino sa kanyang gambling policy. Aniya: “Am I in favor of legalizing jueteng? I don’t encourage gambling. It’s not a productive activity. Whoever gambles ends up losing in the end”.
Mas gagamitin daw niya ang yaman ng pamahalaan para mabigyan ng programang pangkabuhayan ang taumbayan upang maging mas kapaki-pakinabang.
Kung malinaw ang paniwala ng presidente kontra sa pangkalahatang gambling, oras na siguro upang ilathala sa bansa ang kanyang paninindigan. Mas malaki pa ito sa usapang wangwang. Translation: hindi ibebenta ang PAGCOR kung hindi ipatitigil dapat ang PAGCOR. Spokesman Lacierda, narinig mo ang sagot ng boss mo. Ano ang policy ni P-Noy sa sugal? NO to gambling!
Go P-Noy! Gaya ng nasabi ng Supreme Court sa US vs Salaveria: Ang pagpapatigil sa kasamaang dulot ng panunugal ay hindi labag sa anumang karapatan ng mamamayan.