Weather 'Poor' casting

SA maraming pagkakataon ay palyado o sumesemplang ang mga prediksyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services (PAGASA). Nagtataas na typhoon signals sa ilang lugar pero hindi naman dumarating ang inaasahang bagyo.

Ito kaya’y bunga ng kakulangan ng magagaling na meteorologists o kawalan ng modernong pasilidad ng ating weather bureau?

May mga nagsasabi na ang mga magagaling na meteorologists ay pinipirata ng mga pribadong kompanya sa pagmimina at binibigyan ng malalaking sahod na hindi kayang ibigay ng gobyerno. Bukod diyan, kulang din daw sa makabagong pasilidad ang PAGASA para makapagbigay na eksaktong pagtaya ng panahon.

Noong isang linggo, sinibak ni Pangulong Benigno     Aquino III ang hepe ng PAGASA na si Prisco Nilo. Halatang iritado si P-Noy nang makipag-usap sa mga kasapi ng Ma­lacañang Press Corps. Kinastigo si Nilo sa aniya’y mali-maling pagtaya sa dalawang bagyong “Basyang” at “Domeng.”

Hindi pa malaman kung sino ang ipapalit kay Nilo. Bahala na raw mag-appoint si DOST Sec. Mario Montejo.

Pero ang tanong, bubuti kaya ang weather forcasting sa pamumuno ng bagong chief forecaster? Hindi kaya sumemplang din kahit ang pinakamahusay na forecaster kung ang kasangkapang gagamitin ay mga sinauna pa rin na hindi na akma sa mga kasalukuyang pangangailangan?

Walang kaibhan iyan sa isang napakagaling na singer na nag-recording sa palpak na estudyo.

Importante ang PAGASA lalu na sa panahong ito na iba na ang takbo ng klima. Mahirap mag-predict na kalagayan ng panahon dahil sa tinatawag na climate change.

Dapat ay gawing prayoridad ng administrasyon ang modernisasyon ng PAGASA. Ikonsidera din ang upgra-ding o pagtataas sa sahod ng mga meteorologist para hindi mapirata ng mga pribadong kompanyang nag-aalok ng kaakit-akit na suweldo.

Show comments