Ganito na ba ang ginagawa ng kabataan ngayon? Lulong sa droga at nagiging mga magnanakaw at carnapper? At may mga babae pa, na ayon sa mga ulat ay mga galing sa mayayamang pamilya! Ganito ang mga miyembro ng grupo ni Ivan Padilla, na napatay sa isang enkuwentro sa Makati. Notorious na si Padilla, na hinihinalang ang grupo niya ang kumarnap sa sasakyan ni dating Ambassador Roberto Romulo at ng ama ni Derek Ramsey at nagnakaw sa isang gusali sa Makati.
Ang grupo ni Padilla ay nasa 20 hanggang 30 anyos lang. Sila na raw ang pinakabatang sindikato na naenkuwentro ng PNP. May mga dahilan kung bakit sa ganitong landas napunta si Padilla, kung saan naakit na rin ang mga ibang kasamahan. Nalugi raw ang negosyo, walang gabay at patnubay ng magulang, etc. Pero ang puno’t dulo nito pa rin ay droga. Nagnanakaw sila para makabili ng drugs. Lumalakas ang loob dahil na rin sa drugs. Sino naman sa tamang isip ang gagawa nito, lalo na’t galing pa sa mayayamang mga pamilya ang mga ibang miyembro? May ulat na kakilala rin ang mga tinatawag na “Alabang Boys”.
Nakaaalarma ang ganitong balita. Mga beinte anyos na nakikipag-barilan na sa mga pulis! Mga halos kasing edad lang ng mga pamangkin ko. Mga wala sa tamang isipan dahil sa drugs. Sisihin na rin natin ang kultura ng karahasan na umiiral sa mga video games at sine. May mga oras kasi na tila binibida pa ang mga kriminal. Kaya ayun, ginagaya. Kapag nasa ilalim na ng impluwensiya ng droga, akala laro lang ang mga ginagawang krimen. Kung ganito na nga ang nagaganap, hindi na mag-iiba ang trato ng pulis sa mga pusher at user. Pareho na silang peligroso.
Kaya hindi dapat tumitigil sa kampanya laban sa ilegal na droga. Dapat palakasin pa ni President Aquino ang programa laban sa ilegal na droga. Dagdagan ang budget at tauhan ng PDEA. Hindi dapat sinasanto ang mga pusher at supplier.