SA dami ng kabaluktutang naranasan sa sampung taon ni Gng. Arroyo, halos lahat ng kagawaran ay naghahabol ngayong ituwid ang kanilang mga patakaran. Ayon kay Sec. Purisima ng DOF, tapos na ang maligayang araw ng sobra-sobrang allowance sa mga korporasyong pag-aari ng gobyerno, lalo na ng MWSS. Sa DPWH naman ay halos lahat ng pending na proyekto’y pinatigil – diskumpyado si Sec. Singson.
Sa delubyo ng pag-aayos na nagaganap, may ahensiya na nagbabaka-sakaling makalusot na hindi napapansin: Ang PNP ay humiling sa Kongreso na tanggalin na ang kapangyarihan ng mga Governor at Mayor na pumili ng chief of police sa kanilang mga lugar. Tila natunugan nila na nung senador pa si P-Noy ay nag-akda ito ng panukalang batas na rebisahin ang sistema ukol sa pagtalaga ng chief of police. Umaasa sigurong makakahanap ng simpatiya.
So, mabubuksan muli ang debate ng kung kanino dapat managot ang cabeza ng pulisya – sa Crame o sa munisipyo?
Maraming argumento para sa tuluyan nang pagsanib ng lahat ng kapulisan sa ilalim ng iisang pamunuan gaya nung martial law. Pinakamabigat na rito ang abuso – ang paggamit ng pulisya bilang private army ng mga lokal na opisyal. Nariyan na rin ang paglapastangan sa merit system pagdating sa pag-angat ng mga pulis sa serbisyo – siyempre ang sipsip sa Mayor ang unang aabante.
Pag-isipan sanang mabuti ang panukala. Sa aking palagay, mas matimbang pa rin ang mga dahilan upang panatilihin ang operational control at supervision ng pulis sa mga lokal na pinuno, lalo na ang pagpili ng chief of police. Andiyan ang prinsipyo na kailanma’y lagi dapat namumu- no ang sibilyan sa kapulisan. At, mas mahalaga dito, ang mayor at gobernador ang may katungkulan at obligasyon na ipatupad ang batas at siguruhin na ito’y sinusunod ng lahat. Paano magagampanan ang sinumpaan kapag ang mga alagad ng batas na dapat ay kaakibat niya ay maaring sa ibang amo naghahanap ng direksyon?