WALA akong “masamang tinapay” kay dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide. Naniniwala ako na isa siyang marangal na tao sa kabila ng perception na naging malapit siya kay dating Pangulo na ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo. Lahat ng tao ay malayang pumili ng political affiliation. Kung siya man ay pinaniniwalaan ng marami na malapit sa dating Pangulo, hindi ito dapat gawing malaking isyu laban sa kanya.
Pero sa pananaw ko’y mali na hirangin siya ni Presidente Noynoy Aquino na pamunuan ang isang Komisyon na magsisiyasat sa mga sinasabing katiwalian ng nakaraang administrasyon. Bakit? Pabor man o hindi pabor kay Kong. Arroyo ang resulta ng imbestigasyon ng Truth Commission, mabubukulan si Davide: Kung maabsuwelto si GMA, sasabihin ng tao na ito’y dahil kaalyado niya ang dating Pangulo at; kung ipasya na i-prosecute ang dating Pangulo, iisipin naman ng iba na gusto lang isalba ni Davide ang kanyang mukha at lumitaw na bayani. Either way, mapupusyaw ang imahe ng dating punong mahistrado.
Habang isinusulat ko ang kolum na ito, nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Noy ang executive order na bubuo ng Truth Commission sa pamumuno ni Davide. Kung ako si Davide, ako na ang tatangging manombrahan sa posisyon. Marangal man siyang tao, common sense will dictate na hindi magkakaroon ng kredibilidad ang desisyon.
Maselan ang mga usaping bubusisiin ng komisyon. Naririyan ang “Hello Garci” scandal na may kinalaman
sa pandaraya sa eleksyon umano ni GMA noong 2004, ang maanomalyang ZTE-NBN scam, at ang fertilizer scam na kinasangkutan ng Department of Agriculture. Ang sabi mismo ni Pangulong P-Noy, ibig niyang palutangin ang katotohanan sa mga usaping ito para pag-usigin at papanagutin sa batas ang mga tunay na nagkasala.
Ang gusto lang nating mangyari ay maging least controversial ang lalabas na findings ng Truth Commission at ito’y mangyayari lamang kung isang taong walang affiliation kay GMA o kanino man ang maitatala-gang mamuno rito.