HINDI pa nga raw nareresolba kung sino ang mga kukunin para magpatakbo ng communications group ni P-Noy. Dalawang grupo ang gustong kumontrol sa communications group. Ang isang grupo ay pinangungunahan ni Maria Montelibano, ang media veteran na humawak na ng dating media affairs ng ilan nang administrasyon simula pa nuong panahon ni dating President Cory Aquino. Ang isang grupo naman ay hawak ng may mga sinasabi sa Liberal Party.
Hindi pa raw nabubuo ang communications group na pamumunuan sana ng kilalalang broadcaster na si Ricky Carandang na nagbitiw na sa ANC dahil mag-uumpisa na sana sa kanyang bagong trabaho. Isa pang dapat sana ay mamuno na sa grupong ito ay si Jing Magsaysay, isa pa ring dating broadcaster na akala nang marami ay magsisimula na na magpatakbo sa bagong communications group na inaasahan ni P-Noy upang mapalapit at magkaintindihan ng mabuti ang taumbayan at gobyerno.
Noon ay malaking usapan ang isyu na gusto ni Vice President Jojo Binay sa DILG. Subalit naayos na rin ito dahil pumayag na siyang chairman ng HUDCC.
Sa tingin ko, hindi matatapos ang reklamo at pag-angal dahil hindi sila nabibigyan pa ng posisyon dahil tumulong sila sa kandidatura ni Noynoy. Akala nila, ang kabayaran doon ay ang bigyan sila ng posisyon sa gobyerno ni P-Noy.
Napakalaking problema ng administrasyon kung paano papalitan ang daanlibong empleado na dating nagtatrabaho sa nakaraang administrasyon. Mahirap at sensitibong gawain ito. Sana, kahit papaano ay mabigyan ng kaligayahan ang mga nagpakahirap sa tagumpay ng nanalo.