NAPAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang matinding kakapusan sa supply ng tubig sa maraming lugar sa Metro Manila at mahigit tatlong milyong residente ang apektado. Ayon sa report, anim na oras lang may nakukuhang tubig sa kanilang mga gripo (na napakahina pa ng pressure), habang ang iba naman ay talagang walang mapigang tubig sa gripo kaya sa rasyon na lang nakakukuha ng tubig.
Nakaaalarma ang impormasyon na aabutin pa umano ng ilang araw o linggo bago maibalik ang normal na supply ng tubig sa mga kabahayan, at ito ay depende pa kung darating na nga ba ang mga inaasahang malalakas na pag-ulan na tatapat mismo sa Angat dam. Ayon sa PAGASA, pansamantalang opsyon lang ang cloud seeding opera- tions para sa sapilitang pagpapabagsak ng ulan sa nasabing dam pero hindi ito pwedeng asahan at lalong hindi ito sapat upang matamo ang required na lebel ng tubig sa dam.
Noon pa nararanasan ang problema sa tubig, hindi lang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa. Matagal nang nagbababala ang mga eksperto hinggil sa anila’y lumalalang problema sa tubig, laluna sa malinis na inuming tubig sa malaking bahagi ng mundo, at hindi nga umano ligtas sa “water crisis” na ito ang Pilipinas.
Panahon na para gumawa ng komprehensibong hakbang ang pamahalaan hinggil dito. Maliban sa panga-ngailangan para sa kagyat na solusyon sa kasalukuyang problema ay dapat magbalangkas at magpatupad ang gobyerno ng komprehensibong hakbangin upang hindi na maulit pa sa hinaharap ang matinding water supply shortage, na itinuturing na nga bilang water crisis.
Sa naturang hakbangin, kailangan ang buong suporta at pakikipagtulungan ng pribadong sektor, mga voluntary group at syempre, lalung-laluna na ng sambayanan.