Walang pera!

GRABE. Nakababahala ang ibinunyag kahapon ni Presidente Noynoy Aquino. Papaubos na ang pera sa kaban ng bayan gayung nangangalahati pa lang ang fiscal year.

Ayon sa Pangulo, ang P1.3 trilyong pambansang budget para sa 2010 ay P100 bilyon na lang. Iyan ang malaking sakit ng ulo ng gobyerno ngayon. Ang epekto ng overspending ng nakaraang administrasyon ay bagong gobyerno ang magdurusa.

Kaya nagkukumahog ngayon ang ating mga revenue collecting agencies sa pangunguna ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para mapataas ang kita ng pamahalaan. Pati underground economy, kasama na ang mga pedicabs, jeepney, karinderya at iba pa ay bubuwisan na rin. Ito’y para maabot daw ang tinatarget na mahigit sa P800 bilyong revenue para sa serbisyo publiko.

Madali sanang unawain iyan. Kailangan ng gobyerno ang pera para maserbisyuhan ang taumbayan. Pero mahirap umintindi ang mga taong kumakalam ang tiyan sa gutom lalu pa’t pati ang kakatiting na kita sa pagpadyak ng pedicab at pagtitinda ay bubuwisan pa. Dapat pag-isipang mabuti ito at baka maghimagsik ang taumbayan.

Ang dapat ipursige ay ang pagpapaigting na kam-panya laban sa mga smugglers at tax evaders. Sabi nga ng barbero kong si Mang Gustin, hindi bagong buwis ang kailangan kundi epektibong paniningil ng buwis.

Problemang malaki dahil tayo’y nasa panahon na ng kalamidad. Kasi, pitumpong porsyento ng calamity fund ay nagastos na rin umano ng nakaraang adminis­trasyon.

Kaya sa pagpasok ng mga bagyo sa ating bansa, malamang kapusin tayo ng pondong pangkalamidad. Peligroso iyan. Pero sabi ng Pangulo, posibleng gamitin na lamang ng gobyerno ang P1.5 bilyong savings mula sa Kilos Asenso program noong 2004 sakaling kailanganin ang dagdag na pondo sa kalamidad.

Show comments