PUWEDE kang magtago, puwede kang makatakas sa patibong ng BITAG subalit hindi ka pupuwedeng magsinungaling.
Eto ang mensaheng ipinapahatid ng BITAG sa mga umaalmang subject ng aming imbestigasyon.
OO, maaari kaming taguan at hindi harapin, maaari ring maiwasan ang aming patibong na nakakasa subalit hindi mabibilog ang aming grupo.
Dokumentado ng BITAG surveillance camera ang mga iligal na aktibidades na pinaggagagawa ng bawat subject. Ebidensiya ang nagsasalita ng katotohanan.
Isang halimbawa ay ang nadiskubreng kuta ng mga pinaghihinalaang karnaper ng motorsiklo sa Quezon City.
Sa salitang kanto, ilang dura lamang ang layo ng nasabing kuta sa Camp Crame. Kataka-taka ang lakas ng loob ng grupong nasa likod ng pangangarnap.
Mahigit dalawang buwang araw-gabing tinutukan ng BITAG ang kuta. Makailang beses na naidokumento ng aming surveillance camera ang mga motor na nakarnap.
Karamihan ay puro for registration ang plaka, subalit dalawa sa mga nakarnap, natunton namin ang nagma-may-ari kung saan kinumpirma nilang nakarnap nga ang kanilang motor sa lugar na kanilang pinaradahan.
Nakakasa na sana ang patibong na tutuldok sa iligal na aktibidades ng grupo, kasama namin ang National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR).
Subalit hindi na tumira ang grupo ng mga karnaper at tuluyan nang nagpahinga ang mga ito.
Dahil dito, isang open investigation ang isinagawa ng NBI-NCR kung saan personal na tinungo ng mga ahente kasama ang BITAG ang bahay na nagsisilbing taguan ng mga motor na kinarnap ng mga ito.
Sa umpisa, alam na naming tatanggi ang mga suspek. Subalit nang maipakita namin ang mga litratong kuha mula sa surveillance camera ng BITAG, namilipit na ang dila ng aming kausap.
Dito, nagsimula na itong kumanta at itinuturong pasimuno ang kaniyang kaibigang makikita rin sa larawan.
Kasalukuyang na-subpoenahan na ang tatlong kalalakihang hinihinalang miyembro ng mga kawatan ng motorsiklo.
Magsilbing aral ito sa iba pang kawatang magiging subject namin, gustuhin niyo mang lumusot, hindi kayo makakaiwas sa gusot kapag grupo namin ang nagtrabaho.