KUNG sino yung nagtatanim ng palay, sila ang walang maisaing. Kung sino ang mga nagsasaka, sila ang walang lupa. Kakatwa ang nangyayaring ganito pero ito ang katotohanan. Maraming magsasaka sa bansa ang nakalubog sa kahirapan ang buhay. Hindi sila makaahon sa kahirapan kahit na ano pang pagtitiis at pagtitiyaga sa bukid ang kanilang ginagawa. Marami silang problema pero hindi nila alam kung sino ang tutulong sa kanila. Hindi nila alam kung sino ang lalapitan para malutas ang mga problema nila na may kaugnayan sa pagsasaka.
Isa sa pangunahing problema ng mga magsasaka ay ang kakapusan ng kinikita kapag nagbenta sila ng aning palay. Nagtataka sila kung bakit napakababa ng presyo ng palay kapag dinadala nila sa pamilihan. Masyadong binabarat ang kanilang produkto na nagiging dahilan para hindi masambot ang mga nagastos sa kanilang pagtatanim. Talo sila sa mga nagastos sa pataba, insecticide, patubig at iba pa. Parang lumalabas na binigyan lang nila ng trabaho ang mga ganid na negosyante ng palay dahil ang mga ito ang labis na nakikinabang. Silang mga magsasaka ay naiwan sa putikan.
Isa pa rin sa kanilang problema ay ang kawalan ng tulong mula sa pamahalaan na may kaugnayan sa mga bagong binhi ng palay. Hinihiling ng mga magsasaka na maambunan sila ng pamahalaan ng mga bagong binhi upang sa ganoon ay maging mabilis ang pag-aani. May mga bagong tuklas na binhi ng palay na sa loob nang maikling panahon ay namumunga na. Humihiling ang mga magsasaka na tulungan sila sa problema.
Problema rin nila kung paano dadalhin sa bayan ang mga naaning palay. Marami sa mga liblib na lugar sa bansa ang walang kalsada. At dahil walang kalsada, nahihirapan ang mga magsasaka kung paano ipagbibili ang kanilang naaning palay, gulay at mga prutas.
Ngayong may bago nang administration at may bago na ring Agriculture secretary, maraming umaasa na magkakaroon ng pagbabago sa kanilang buhay,
Sinabi ng bagong Agriculture secretay Proceso Alcala na magkakaroon nang magandanng buhay ang mga magsasaka. Hindi raw niya pababayaan ang mga magsasaka at ibibigay ang mga panga-ngailangan ng mga ito.