Nagdaang eleksyong ginanap sa bansa
Mga kandidato’y iisa ang nasa;
Nagwagi’t natalo ang gusto’y mawala
Ang maraming mali at bisyong masama!
Unang–unang hangad ng mga candidates
Ang bisyong korapsyon sa bansa’y maalis;
Ayon sa kanila – bansa’y magbibihis
Kung walang korapsyong sa bayan ay batik!
Maganda ngang lubha ang hangaring ito
At ito ay misyon ng bagong pangulo;
Dahil sa korapsyon naghihirap tayo
Kung mawawala nga tayo’y aasenso!
Korapsyon ay “evil” masamang-masama
Nasa pag-iisip saka ginagawa;
Magsuhol, magnakaw, pumatay, mandaya
Ay pawang korapsyong malupit sa kapwa!
Kabuhayang bansa’y winawasak nito
Buhay ng pamilya’y alipin ng tukso;
Ang lunsod at bayan pag pumasok ito
Dala’y kaguluhan saka terorismo!
Saan ba nagmula gawaing korapsyon?
Ito’y nabubuo sa imahinasyon;
Dahil sa ang tao’y lubhang maambisyon
Sariling adhika’y pinapanginoon!
Dahil sa korapsyon ang tao’y imoral
Tanging iniisip pansarili lamang
Kung hindi magawa kanyang kasalanan
Ito’y iuutos sa may kailangan!
Dahil sa korapsyon nagbago ang bansa
Mga mamamayan ang moral bumaba
Apektado na rin pati mga bata
Masasamang asal siyang ginagawa!
Sa problemang ito ang tanging solusyon
Itakwil sa puso masamang ambisyon;
Kung ikaw ay ano ay tama na iyon
At ang isipin lang pagganda ng nasyon!