Ang 52-year old na radio broadcaster na si Jesiderio “Jessie”Camangyan, ng Mati, Davao Oriental, ang isa sa mga pinakahuling mediamen na pinatay sa ilalim ng patapos na administrasyon ni Pangulong Gloria Arroyo.
Si Jessie ay naging dagdag sa mahigit 130 na journalists na namatay sa ilalim sa rehimen ni Pangulong Arroyo na kung saan kabilang na ang 30 na mediamen na nakasama sa mga 60 na biktima ng karumaldumal na Maguindanao massacre noong November 23, 2009.
Si Jessie ay nakilala bilang isa sa mga talagang mahigpit na tumututol sa illegal logging at illegal mining activities sa kanilang probinsiya. Naging palaging paksa ni Jessie sa kanyang programa sa Sunrise Radio sa Mati City ang illegal logging activities na nangyayari sa kanilang lugar.
At marami nang nasagasaan si Jessie sa kanyang mga patutsada tungkol sa mga taong kanyang pinaniwalaang nasa likod ng illegal logging at maging ng illegal mining activities sa Davao Oriental. Marami ang nagsasabi na masyado nang naging maanghang ang mga pasaring ni Jessie sa mga tenga ng mga illegal loggers na nag-ooperate sa probinsya.
Masyadong masakit na raw sa pandinig ang mga birada ni Jessie kaya kailangan na raw siyang patahimikin.
At iyon nga. Si Jessie ay pinatay sa harap ng maraming tao at sa harap mismo ng kanyang asawa at anim-na-taong-gulang na anak, habang siya ay naging emcee ng isang singing contest noong June 14 sa Barangay Old Macopa, Manay, Davao Oriental.
Marami ang naniwala na may kinalaman sa kanyang adbokasiya laban sa illegal logging ang naging sanhi ng kamatayan ni Jessie gaya ng pagpatay noong isang taon kay Eulogio Baltazar, ang provincial environment and natural resources officer na pinatay sa loob ng isang local na restaurant sa Mati City.
Mukhang determinadong lipulin ng mga illegal loggers sa Davao Oriental ang sino mang hahadlang sa kanilang masamang gawain. Ayaw nilang may kokontra sa kanila.
Maliban pa sa pakikipaglaban na kailangang tuldukan na ang prevailing culture of impunity at sa pagbigay ng hustisya sa lahat ng biktima ng extra-judicial killings, kailangan ding tutukan ng papasok na administrasyon ni President-elect Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang pagtugis sa mga taong involved sa illegal activities gaya ng illegal logging at illegal mining.
Kasi kung patuloy na mamayani ang mga illegal loggers at illegal miners malaking bahagi ng Pilipinas ang mawawala dala ng mga disasters na sanhi ng climate change.