ANG kanser sa suso ang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa kababaihan. Dapat alamin ng bawat babae ang tamang pagsusuri ng kanilang suso. Nakasalalay po ang buhay n’yo dito.
Habang naliligo, itaas ang kanang braso. Gamitin ang dulo ng mga daliri ng kaliwang kamay para kapain ang iyong kanang suso. Ang hinahanap natin ay ang mga cyst or mabibilog na parang holen sa ilalim ng suso. Minsan ay kasing-liit lang ng isang monggo ang makakapa. Pagkatapos ay itaas naman ang kaliwang braso at ang kaliwang suso naman ang suriin. Kung may makapa na kaduda-dudang bukol, kumonsulta sa doktor.
Tumayo sa harap ng salamin at ilagay ang braso sa gilid ng katawan. Pagmasdan maigi ang bawat suso kung pareho ang laki at hugis nito. Masdan ang bandang utong at paligid nito (ang nipple at areola). Suriin kung may pamumula, pangungulubot o dili kaya’y tumutulo na likido dito. Ang mga ito’y maaaring masamang senyales. Pagkatapos ay itaas at ipuwesto naman ang dalawang kamay sa likod ng iyong ulo. Ulitin ang pagmamasid sa iyong suso.
Ngayon naman ay humiga sa isang patag na kama. Itaas ang kanang braso at ilagay ang kamay sa ibabaw ng ulo. Gamitin ang kaliwang kamay para salatin ang kanang suso. Mula sa gilid ng suso ay gamitin ang mga daliri para diinan ng paikot-ikot ang suso. Mag-umpisa sa utong at unti-unting bumilog ng palaki ng palaki. Huwag kalimutan: Kapain ang kili-kili. Kung may kanser sa suso, kalimitan ay may bukol din na makakapa sa kili-kili. Ito’y mga kulani (lymph nodes). Pagkatapos ay gawin naman sa kabilang suso.
Ang pagsusuri ng suso ay dapat gawin bawat buwan, kung puwede ay bago magregla at pagkatapos ng regla. Minsan kasi ay may mga parang bukol na nakakapa bago mag-regla (dahil sa hormones natin) at nawawala naman pagka-regla.
Sa kababaihan, huwag makalimot sa iyong check-up bawat taon. Magpasuri ng suso sa iyong obstetrician (OB) at sabayan mo na rin ng Pap’s smear. Ang pagsuri ng suso ay nag-uumpisa sa edad 20 pataas, at ang Pap’s smear ay kapag nakikipag-talik na ang babae o edad 30 pataas.