UMIGTING ang pagpayo ng mga kaibigan ni dating economic secretary Romy Neri nang idiin siya ng Ombudsman sa $329-milyong ZTE scam. Anila, isuplong na niya lahat ng nalalaman ukol sa tangkang $200 milyon (P10 bilyon) overprice sa national broadband network nu’ng 2007. Ito raw ay para hindi siya mahanay kay dating Comelec chief Benjamin Abalos, na pinangalanang broker ng waldas na proyekto.
Kaduwagan ang sagot ni Neri: “Ayoko maging martir na katulad ng kaklase sa high school na si Edgar Jopson.” Ibig sabihi’y mananatili siyang tahimik sa katotohanan. Ito’y para hindi siya mapatay, di tulad ni Jopson. Moderatong aktibistang estudyante si Jopson na nilait-lait ni President Marcos nu’ng 1970, at nag-radikal nang mag-martial law nu’ng 1972, at napatay sa enkuwentro sa militar nu’ng 1975.
Sa gawi ni Neri, magtataka ka kung bakit siya naluklok sa Gabinete. Wala siya ng mga katangian ng mabuting pinuno. Una, duwag siya, hindi kaya ipaglaban ang tama, at mas iniisip ang pansariling kapakanan imbis na sa bayan. Ikalawa, hindi siya natuto sa buhay, di tulad ng kaklase sa Ateneo na Jopson, na alam na dahil minsan ka lang dadaan sa mundo ay dapat ipagbuti mo ito nang husto. Ikatlo, wala siyang sense of legacy, na kapag nagsakripisyo ka tulad ni Ninoy Aquino o nagpakatatag tulad ni Cory Aquino, ay aani ang mga kaanak mo ng puri at suporta — tulad ng 42% pagkapanalo ng anak nilang Noynoy, na pinaka-malaking margin sa isang presidential election sa ilalim ng 1987 Constitution.
Oo nga’t pinag-a-armalite ang bahay ni Neri. Pero kung nagsalita siya noon pa, malamang ay hindi nangyari ito, kasi magiging obvious na suspect ang sinomang idiin niya. At sinimulan na rin lang, tapusin sana niya ang laban. Binisto niya na inalok siya ni Abalos ng P200 milyon para aprubahan ang NBN-ZTE deal. Inamin din niya na sinumbong niya si Abalos kay Presidente Arroyo. Bakit hindi pa niya ituloy ikuwento kung ano ang sinabi at ginawa ni Arroyo nang malaman ang tangkang suhol?