Maayos na pagpalit ng gobyerno?

Umalis na raw ang mga naninirahan sa Malacañang. Pagkatapos ng siyam na taong nanirahan ang mga Arroyo sa Palasyo, bumalik na raw sila sa kanilang tahanan sa Quezon City. Tunay na mapapalitan na ang mga namuno ng bansa ng siyam na taon. Pero bago tuluyang mawala na, tila marami pa ang iniwan para sa papasok na administrasyon. Bukod sa mga problema at mga anomalya, kontrobersiya na wala pang mga katapusan, maraming itinalaga ang Pangulong Arroyo na kailangan pang pag-aralan ng papasok na administrasyon ni Pangulong Aquino. Ito yung mga tinatawag na “midnight appointees”.

Kung bakit nagtatalaga pa ng mga tao kahit paalis na ay pinag-takahan ng marami. Batikos pa nga ang inabot ng administrasyong Arroyo dahil dito. Pero sa siyam na taong tumatanggap ng batikos, sanay na sila at manhid sa mga iyan. Higit dalawang-daang tao ang itinalaga ni Arroyo sa iba’t ibang posisyon. Pasaway talaga. Ngayon, kailangang bigyan ng panahon para pag-aralan kung sila’y karapat-dapat sa mga posisyong binigay sa kanila.

Di ko matanggal sa isipan ko na sinadya ito ng administrasyong Arroyo para manggulo na lang kahit wala na sa kapangyarihan. Tila pang-inis na rin sa papasok na administrasyon. Laging sinasabi ng papasok na administrasyon na hahabulin pa rin nila ang mga iniwang gulo ng mga Arroyo. Di kaya pang-aberya ang mga appointees? Di rin pwedeng isantabi ang paniniwala na kaya naglagay pa rin ng maraming tauhan ay para bantayan pa rin ang interes at kapakanan ng mga Arroyo kahit hindi na hawak ang gobyerno. Ito na rin ang dahilan kung bakit kailangang pag-aralan ang mga appointees na iyan.

Maayos na pagpalit ng gobyerno ang gustong makita ng mamamayan. At ito ang ginagawa ngayon ng mga ki­na­tawan ng dalawang Pangulo. Pero malayo na maayos ang mangyayari, dahil dapat siyasatin ang lahat ng iiwanan ni Pa-ngulong Arroyo kay Pangulong Aquino. At kapag may nakitang hindi maayos, dagdag na naman ito sa hahabulin sa kanila.

Show comments