MATULOY pa kaya ang entertainment city na plano ng PAGCOR? Yan ang big question ngayong tuluyan nang nagbitiw sa tungkulin si PAGCOR Chair Efraim Genuino? Ito yung proyektong ala-Disneyland na balak itayo sa isang reclaimed area ng Manila Bay sa Pasay City. Isang potensyal na million dollar earner para sa Pilipinas.
Maraming foreign investors ang nangako na ng suporta sa proyekto at wala ni singkong gagastusin ang gobyerno. Si Genuino ang itinuturing na arkitekto ng novel project na ito.
Malaki ang maiaambag sa ekonomiya ng bansa ang proyekto kung matutuloy lamang.
Hindi rin biro ang mahigit 250,000 trabahong posibleng manatiling panaginip na lamang kung kasabay ng pagreretiro nito sa nabanggit na ahensya ay maglaho na lamang na parang bula ang proyekto.
Mabuti sana kung ang puso at direksyon ng pamumuno ng uupong bagong hepe ng PAGCOR ay nakatuon sa pagpapatuloy ng naiwang magagandang proyekto ni Genuino. Paano kung hindi? Paano na ang E-City?
Kung mayroon mang mas nakadarama ng pulso at nakakaunawa nang husto sa magiging kapakinabangan ng proyekto, iyon ay walang iba kundi si Genuino mismo.
Walang katiyakan kung magiging enthusiastic ang papasok na liderato ng PAGCOR na akuin ang responsibilidad ng pagpapatayo ng E-City lalo pa’t identified ito sa katatapos na administrasyon.
Sa ngayon ay nalalagay sa alanganin ang kapalaran ng proyekto dahil sa pagreretiro ni Genuino sa PAGCOR.
Mistula itong gusaling nawalan ng matatag na pundasyon at anumang oras ay nanganganib na gumuho kasabay ng pangarap ng milyun-milyong Pilipino para sa isang maunlad na bansa.