IBA ang pananaw ng BITAG sa pagtulong sa mga nangangailangan kung serbisyo publiko ang pag-uusapan.
Hindi lamang ito nasusukat sa dami ng natulungan na ipinapalabas sa telebisyon at sa harap ng camera.
Kundi kung paano naresolba ang problema ke may BITAG man na kasama o sa sariling paraan ng nagre-reklamo mismo.
Hindi LAHAT ng nagrereklamong lumalapit sa BITAG Action Center ay maituturing na biktima.
Ang ilan, oportunista na naghahanap lamang ng kakampi o lusot dahil mali naman ang kanilang ginawa at sa huli’y sila rin ang naperwisyo.
Karamihan, simple lamang ang problema at kailangan lamang pangaralan o turuan kung paano masosolusyunan ang kanilang idinadaing.
Mangilan-ngilan lamang ‘yung totoong biktimang, inabuso’t niloko ng walang kalaban-laban.
Kapag lumapit ang isang nagrereklamo sa BITAG, walang halong drama o pabida.
Iniimbestigahan din ng mga trained investigators ng aming grupo ang nagsusumbong. Saka namin isusunod ang inirereklamo.
Para sa BITAG, ang tunay na serbisyo publiko ay hindi kung paano kabilis kumilos sa pag-aksiyon ang nilalapitan.
Kundi kung paano ito makatotohanang inaaksiyunan kung saan, ang biktima ay maiintindihan ang problema at hindi na mabibiktima pa.
Diretsahan naming sasabihin kung mali, tama, may kapalpakan o may temang panggagamit ang isang problema.
Dahil ang pagresolba sa isang sumbong o reklamo ay hindi lamang nakikita sa epekto ng proble-ma kundi sa pinag-ugatan nito.
Kaya matututo ka.