NOON ay Iraq ang itinuturing na pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag. Doon sa Iraq, napapatay ang mamamahayag dahil sa landmines o kaya’y sa suicide bomber. Nadadamay lamang sila. Ang sumunod sa Iraq ay ang Pilipinas. Pero kakaiba ang pamamaraan ng pagpatay sa mga mamahayag sa Pilipinas. Dito ay parang manok o ibon lang na binabaril at sa harap pa ng asawa at anak. Lantaran na ang pagpatay. Iglap lang at nakabulagta na ang mamamahayag.
Sa nangyayaring ito, maaaring ang Pilipinas na at hindi ang Iraq ang bansang kinatatakutan at napa-kadelikado sa mga mamamahayag. Kalabisan nang sabihin na ang kalahating katawan ng mamamahayag ay nasa hukay. At ang nakapanlulumo, sa kabila na sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag, walang ginagawang hakbang ang pamahalaan para mahuli ang mga salarin.
Mula noong Enero 20, 2001 na naupo sa puwesto si President Arroyo, nasa 102 mamamahayag na ang napapatay. At karamihan sa mga pagpatay ay hindi nalulutas. Inaagiw na ang mga kaso at magpahanggang ngayon walang maipagkaloob na hustisya sa mga “itinumbang” mamamahayag. Masakit para sa mga kamag-anak ng pinatay na walang nangyayari at hindi umuusad ang batas ng hustisya para sa kanilang kaanak na pinatay.
Nadagdag sa listahan ng mga pinatay na mamamahayag si Joselito Agustin, 37, anchorman ng dzJC Aksyon Radyo-Laoag, sister station ng dzRH. Nagtamo nang maraming tama ng bala sa katawan si Agustin. Sa ospital na siya nalagutan ng hininga. Umano, pinatay si Agustin para patahimikin sa pagbubulgar ng katiwalian sa Bacarra, Ilocos Norte.
Ang pagpatay kay Agustin ay naganap dalawang araw makaraang patayin din si Desiderio Camang-yan, anchorman ng Sunrise FM Radio sa Mati, Davao Oriental. Nag-eemcee sa amateur singing contest si Camangyan nang barilin. Pagbubulgar din sa katiwalian ang nakikitang dahilan ng pagpatay.
Noong Nob. 23, 2009, mahigit 30 mamamahayag ang pinatay sa Maguindanao at ang suspect ay ang dating mayor ng Datu Unsay, Maguindanao. Sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak pero mabagal ang usad.
Patuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag at walang ginawa ang Arroyo administration para maproteksiyunan ang mga ito. Umaasa ang mga kaanak ng napatay sa gobyerno ni president-elect Noynoy Aquino na magkakaroon ito ng hustisya. Proteksiyunan ang mga mamamahayag sa mga mamamatay-tao.