ISANG napupuna na rin ngayon kay president-elect Noynoy Aquino ay ang kanyang imahe. Hindi ko tinutukoy ang kanyang mga pisikal na katangian. Mas mahalaga sa marami ang mga ibang aspeto ng kanyang imahe. Tandaan na nangampanya si P. Noy sa plataporma ng kalinisan at katapatan sa gobyerno, na aalisin niya ang korapsiyon na siyang naging tanikala sa kaunlaran ng bansa at sa pag-aangat sa buhay ng maraming mahihirap. Imahe ng kalinisan at kalusugan ang gustong iparating ng marami kay P. Noy, kaya naman marami na rin ang nagbibigay sa kanya ng payo na itigil na ang kanyang paninigarilyo.
Alam na natin ang mga masasamang epekto ng paninigarilyo. Mga sakit sa baga at ugat, madaling mapagod, kanser, etc. Hinihintay ko na lang nga patuparin ng DOH ang paglalagay ng mga larawan ng mga halimbawa ng kanser sa baga, mga hindi humihilom na sugat, paninilaw ng ngipin, sa mga kaha ng sigarilyo, katulad ng ginagawa na sa mga ibang bansa. Mga pamamaraan para i-discourage na ang paninigarilyo. Mismo sina dating President Fidel V. Ramos at US President Barack Obama ang nagbigay ng payo kay P. Noy na itigil na ang paninigarilyo, at handa raw silang tumulong para mawala na ang bisyo sa katawan ni P. Noy. Alam nila ang kahirapan ng pagtigil sa bisyo, at ang maraming benepisyo na makukuha kung magtagumpay.
Bagama’t nagpahayag na si P. Noy na gusto rin niyang tumigil sa darating na panahon, hindi pa raw siya handang bitiwan ang paninigarilyo ngayong presidente na at tambak ang magiging problema niya sa pagharap sa mga ito. Baka lalo lang daw siyang ma-stress kung isasabay pa niya ang pagtigil. Maganda kung gagawa na rin siya ng mga hakbang para itigil na rin ang bisyong ito. Hindi magbibigay ng mga payo ang mga dating mahilig din sa nicotine tulad ni Ramos at Obama, kung hindi gumanda ang kanilang mga buhay, kalusugan at imahe. Mahirap itigil ang tinatawag ng iba na adiksyon sa nicotine, lalo na kung matagal nang naninigarilyo. Parang adiksyon sa droga, alak at sugal. Pero dahil marami nga ang gustong malinis na malinis ang imahe ng bagong presidente, maraming handang tumulong para matigil na ang bisyo.