MADALAS pinag-uusapan ang malayong agwat ng mga ma-yayaman o makapangyarihan sa mga mahihirap o ordinar-yong mamamayan. Sa halos lahat ng bagay, laging lamang ang mga may pera at kapangyarihan. Kahit sa simpleng paglinya lang, may mas mataas na uring tao na hindi magrerespeto ng linya at mauuna, dahil lamang sa pera at kapangyarihan. Kaya naman nakakainis talaga kung sa bilangguan, ay lamang pa rin ang mga may pera at kapangyarihan!
Ayon sa mga bisita sa bilangguan kung saan nakakulong din ang mga Ampatuan ng Maguindanao, nag-party umano ang mga Ampatuan sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa sa Taguig! Nagselebra umano ang mga Ampatuan nang ibasura ang petisyon na ilipat silang lahat sa Quezon City Jail, kung saan siguradong mas mahirap ang buhay. Nag-take-out pa daw ng pagkain mula sa isang kilalang fast-food outlet, at may tugtugan pa! Ayon pa sa ibang ulat, pinayagan pa raw mag-press conference ang mga suspek, na ipinagbawal na. Kaya ganun na lang ang galit ng mga kamag-anak ng mga biktima ng Maguindanao massacre, dahil bukod sa napakabagal ng pag-usad ng kanilang kaso laban sa mga Ampatuan, VIP treatment pa rin ang natatanggap. Iba talaga magsalita ang pera, kahit saan!
Ito ang sakit ng ating sistema sa bilangguan. Nabibili umano ang mga opisyal sa loob. Mga kilala at sikat na bilanggo katulad nila Ampatuan, Jalosjos, Rolito Go, Claudio Teehankee, si Villarosa at iba na nag-enjoy ng mga special na pagtuturing mula sa mga opisyal ng kulungan mismo sa ilang bahagi ng kanilang mga sentensiya. Para sa papasok na kalihim ng DILG, ito ang isa sa dapat imbestigahan, at siguraduhing hindi na magaganap dahil masama ang senyales na hinahatid sa publiko. Hindi rin puwede ang DILG secretary na personal na naghatid at sinamahan pa ang isang may salang mamamatay-tao sa presinto. Maling senyales din ito.
Anong klaseng VIP treatment ang matatanggap naman kaya ng kaibigan niyang nakakulong kung maging kalihim nga ng DILG? May dahilan kung bakit nasa kulungan ang isang tao. Ito ay dahil hindi na siya puwede maging isang miyembro ng lipunan, dahil sa ginawa niyang krimen. Hindi dapat binibigyan ng anumang klaseng pribilehiyo, maliban sa dalaw ng mga kapamilya at abogado, habang nasa loob ng kulu-ngan. Ano pala ang pagkakaiba ng makulong na lang sa bahay kung ganun?