Pagpasok ni Noynoy tinutuya ni Arroyo

NAMBA-BLUFF lang si presidential spokesman Roger Peyuan tungkol sa midnight appointments at deals ni Gloria Arroyo. Aniya maari repasuhin pero hindi bawiin ang mga ito ni papasok na President Noynoy Aquino. Huwag paniwalaan si Peyuan, dating alalay ni Imeldific. Makukulong ang mga tumanggap ng midnight appointment at pumirma ng midnight deals. Malinaw ang Konstitusyon: Bawal mag-appoint ang papaalis na President 60 araw bago mag-presidential election hanggang matapos ang termino sa June 30. Pati si Arroyo makukulong dahil dito. Balewala ang pag-antedate niya nang March 8 o 9 ng mga midnight appointment bago mgsimula ang ban nu’ng March 10. Niyurak nila ang intensiyon ng batas; mananagot sila. At hindi maaasahan si Peyuan na bumisita sa kanila sa bilangguan para magdala man lang ng pandesal.

Isa pa itong si Defense Sec. Norberto Gonzales. Ang tapang ng apog niyang balaan si President Noynoy na mahaharap sa maseselang usapin kapag alisin si Armed Forces chief of staff Gen. Delfin Bangit. Ito’y dahil umano’y may prosesong sinunod sa paghirang ng chief of staff, at malakas sa hanay ng militar ang pagrespeto sa mga proseso. Hayagang paghamon kay Aquino ang ginagawa ni Gonzales. Lalo dapat palitan si Bangit dahil sa prinsipyo ng civilian supremacy over the military. Kung may luma­bag dito, lalo na kung unipormado, dapat lang ikalaboso.

Pinaka-sutil sa lahat ang amo nina Peyuan at Gonzales na si Arroyo. Alam niya na 60 araw bago mag-presidential election, naging caretaker na lamang siya ng ehekutibo, para ipasa ang poder sa papalit na Pangulo. Pero araw-araw niya pinupulong ang “Malacañang selection committee” para pirmahan ang midnight appointees. Hinuhudyatan din ang mga alipores na pumirma ng pahabol sa bilyon-pisong kontrata. Sadyang ginugulo niya ang papasok na administrasyong Aquino. Dapat mangalap ng papeles ang mga empleyado sa gobyerno bilang ebidensiya ng ilegal na pagpuwesto at kontrata. Gawin siyang aral sa mga darating na opisyales.

Show comments