'Kaibahan'

MALAKI ang pagkakaibang nakita ang BITAG sa isinagawa naming ride-along sa dalawang Fil-Am Police Patrol Officer sa California, U.S.A sa mga pulis natin sa Pinas.

Una kay Officer James Delos Santos ng South San Francisco, California Police Department, bagamat mga simpleng kaso ang kaniyang nirespondehan, makikita ang kaniyang pagiging mabusisi sa bawat kaso bago ito resolbahin.

At ikalawang ride along ay kay Officer Ed Gregorio ng Daly City Police, sa kaniyang graveyard shift, nakita naming bihasa na siya sa kaniyang trabaho.

Ilan lamang sa mga gawaing may kaibahan sa atin, halimbawa, sa mga simpleng sagian ng sasakyan, pinag-aayos na agad ang dalawang panig sa lugar ng insidente.

Ipinauubaya sa dalawa kung magke-claim sa insu-rance ang biktima o hindi na. Kung sakaling magdesisyon sa huli ang biktima na magsampa ng reklamo, naka-file na ito sa system ng pulisya.

Kung stolen car o mga nakaw na sasakyan naman ang pag-uusapan, ora mismo, sa pamamagitan ng mga computer na nasa loob ng kanilang mobile patrol ay malalaman kung sino ang may-ari nito o kung nakaw nga ang sasakyan.

On the spot din ang imbestigasyon na ginagawa sa maaaring pagkakakilanlan ng mga suspect. DNA swabbing ang pagte-trace sa mga bakas ng suspek sa sasakyang kinarnap tulad ng fingerprint atbp.

Sa paninita naman ng mga kahina-hinalang per­­so­na­lidad, hinahanapan agad ng I.D. ang taong kanilang si­ni­sita, tinatanong din ang petsa ng kapanganakan.

Ibinabato sa communications center ng police station para ma-check kung may criminal record ba ito, pansamantalang nakalaya o may kasalukuyang warrant.

Alam agad ng mga Fil-Am Patrol Officer na aming na-angka­san na may patalim o itinatagong armas ang kanilang kausap. Subalit bago isagawa ang pangangap­kap, may kurtisiya muna sa taong kanilang kaharap.

Kung wala naman itong criminal record o warrant at hindi naman deadly weapon ang nakuha sa tao kundi mga cutter o razor lamang, inilalapag sa malayo ng pulis ito.

Kapag nakabalik na sa kaniyang patrol car ang pulis, doon lamang puwedeng damputin ng tao ang kaniyang pag-aari. Paniniguro ito ng mga patrol officer, na pagtalikod nila ay hindi sila sasalakayin ng kanilang nasita.

Ang mga away sa loob ng bahay tulad ng sapakan ng magkaibigan o bugbugan ng mag-asawa, pulis Amerika mismo ang humahawak. Sa ating bansa, trabahong pam-Barangay lamang ito.

Ang kagandahan nito, nalalaman kung may nakaraang record ang mga inirereklamo at kadalasan, napag-aalamang may mga warrant of arrest ito kaya’t agad naaaresto.

Ilan lang ito sa mga  gawaing naidokumen­to ng BITAG. Kung iisi­­pin malaki ang kaiba­han kumpara sa ating kapulisan. Ang mga nires­pondehang nabanggit ay mula sa tawag sa kanilang emergency hotline 911.

Ayon sa mga Pilipinong nakausap ng BITAG sa California habang nasa ride-along kami, sa loob lamang ng dalawang minuto, kabababa mo lamang ng iyong telepono, dumadating na ang mga pulis na reresponde sa kanilang tawag.

Show comments