SA kasagsagan ng campaign period, naging grabe ang daloy ng trapiko dahil sa mga kandidatong nangangampanya. Sabi ko sa driver ko, okay lang iyan dahil campaign period. Sandali lang naman iyan at matatapos din. Natapos ang panahon ng kampanya grabe pa rin ang trapik!
Kasi, kay dami na namang kalsadang kinukumpuni kaya ang mga lansangan ay oneway, one way lang. Kaya pala, itinutuloy ang mga proyektong nahinto dahil sa election ban sa mga pagawaing bayan. Bawal kasing ituloy ang mga proyektong pampubliko kapag eleksyon at baka maging bentahe ng mga incumbent officials na tumatakbo.
Ang ipinatataka ko lang, kahit wala namang sira ang daan ay kailangang kumpunihin! Kasi raw, babalik sa national treasury ang pondong nakalaan dito kapag hindi nagamit. Hindi ko pa rin makita ang lohika nito. Kung may sobrang pera na hindi nagamit eh di gamitin sa ibang proyekto tulad ng pagtatayo ng mga gusaling pampaaralan. Bayaan na lang ibalik sa treasury at magagamit din iyan sa ibang importanteng proyekto. Katulad ngayon, isinabay ang pagkumpuni ng mga daan sa pagbubukas ng klase at sa napipintong tag-ulan!
Noong nakaraang linggo, umulan lang ng kaunti ay nagbaha na naman sa ilang lugar sa Metro Manila at nagkawindang-windang na naman ang takbo ng trapik!
Grabeh! Bahagyang ulan pa lang ang naranasan natin.Paano kung magka-ondoy-ondoy na naman? Kumusta na kaya ang ating mga flood control projects? Sa tingin ko, dahil sa walang patumanggang pagtatapon ng basura ng iba nating kababayan, baradong-barado na ang mga drainage facilities natin kaya kapag bumagyong sobrang lakas (God forbid), makararanas na naman tayo ng pagbaha. Isa ito sa malaking problemang lalong magpapabawas sa nalalabing buhok ni president-in-waiting Benigno “Noynoy” Aquino.
Sana ang pag-upo ng Presidenteng ito ang tuluyang makakaalis sa perennial problem natin sa trapiko at baha at di na-hahakot na basura.