IPAGPALAGAY na nating malinis ang naganap na eleksyon 2010 tulad ng paniwala ng marami (hanggat hindi pa napapatunayang may anomalyang naganap, dapat lang na respetuhin ang mga resulta sa ilalim ng prinsipyong “presumption of regularity of official acts”). Nang binigyan ng tabu-tabong mando ang nangungunang kandidatong si Sen. Noynoy, para itong binigyan nang napakalaking puhunan upang palaguin para sa ikabubuti ng bansa. Di tulad ni GMA noon na halos hindi makagalaw sa dami ng sektor at samahang pinagkakautangan para sa kanyang ilegal na pag-upo sa 2001 at sa 2004. Bawat kilos niya’y dapat bumusina muna at baka may masagasaang hindi dapat galitin. Parang may malaking batong nakabitin sa kanyang ulunan na namimiligrong bumagsak magkamali lang ng galaw.
Walang ganitong problema si Sen. Noynoy. Wala itong pinagkakautangan kung hindi ang mismong tao na binigyan siya ng isa sa pinakamalaking lamang at porsyento ng boto sa kasaysayan ng ating eleksyong pampanguluhan.
Unang makakagisnan ang kaibahan ng dalawa sa mga taong pipiliin niyang maging bahagi ng kanyang official family. Sa mga tagamasid, isa ito lagi sa pinakaaabangang bahagi ng pagpapalit ng administrasyon. Exciting ito sa kaso ni Sen. Noynoy dahil hindi ito limitado -- may laya siyang makapamili ng pinakamagagaling at pinakamatatalinong tao na magsisilbing kabalikat upang iahon ang bansa sa kinasasadlakan. Ganito rin kaluwag noon ang feeling ni President Erap na nagtala ng record vote sa kanyang pagkapanalo. Libreng-libre siyang makapamili. Ang kanyang Gabinete at mga piniling opisyal ay pawang mga magaling at matalino na hindi nasangkot sa anumang kontrobersya di tulad ng mga pumalibot kay GMA. Mismong ang Search Committee ni Erap ay kinabibilangan ng mga respetadong statesman tulad ni Prime Minister Cesar Virata.
Ngayon pa lang ay dumadagsa na raw sa Times Street ang mga aplikante. Ito ang unang malaking pagsubok ng ating bagong pinuno. Malaking problema ang iniwanan ni GMA, lalo na sa kawalan ng tiwala ng tao sa pamahalaan. Isa itong pagkakataong walang kaparis upang agarang makasikad ang bagong administrasyon sa daan patungo sa isang bagong simula.