HUMARAP kahapon si dating PCSO Chair Manoling Morato sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa pangunguna ni Rep. Teddy Locsin. Si Morato ay masusugid na supporter ni Lakas-Kampi presidential bet Gilbert “Gibo” Teodoro.
Nilapitan daw siya ng mga nagpakilalang opisyal ng Comelec na nag-alok ng P1-bilyon serbisyo para dayain ang eleksyon at manalo si Teodoro. Kaso hindi mapa-ngalanan ni Morato ang mga taong ito. Dapat munang buklatin ang plantilla ng Comelec pati mga larawan ng mga tauhan nito para ma-identify ni Morato, bagay na hindi agad-agad magagawa. Dapat busisiin ang ganyang alegasyon may mga ebidensya at merito. Kung wala, ibasura na lang para di mabalam ang proseso ng proklamasyon ng mga nanalong kandidato. Kung matibay ang ebidensya, ibang usapan siyempre. Akala ko, puro local level ang alegasyon ng pandaraya. Tsk, tsk.
Speaking of alleged frauds sa local level, naninindigan si Makati mayoral candidate Atty. Erwin “Win” Genuino na talamak ang dayaan sa Makati. Dahil dito’y ayaw pa niyang mag-concede. Ito’y sa kabila ng pagproklama ng Commission on Elections (Comelec) ng bagong alkalde sa lungsod sa katauhan ni Junjun Binay.
Bukod sa manipulasyon sa resulta ng automated polls, naririyan pa rin ang mga reklamo sa vote-buying, flying voters, pananakot at paggamit ng kapangyarihan na mga lumang taktikang noong manu-mano pa ang eleksyon.
Marami rin umanong botanteng para kay Genuino ang na-disenfranchise. Ayon kay Genuino, libu-libong residente ng Makati ang nagpoprotesta dahil hindi nabilang ang kanilang mga boto. May isa pa umanong residente ng East Rembo na nagsumbong na sinuri pa ng election inspectors ang kanilang mga balota bago isinubo sa PCOS machines – na isang malinaw na paglabag sa election rules, ani Genuino.
Nakapanghihinayang na tila sa isang iglap ay nagbago ang perception sa katatapos na first automated elections sa bansa. Nakakahiya sa mga bansang nauna nang pumuri at bumati sa Pilipinas sa pagdaraos ng isang “credible” na eleksyon.