TUNGKOL ito sa kaso ng isang parte ng baybaying dagat na naging ugat ng isang Foreshore Lease Application noong Nobyembre 16, 1989. Ang aplikasyon ay isinumite ni Berto. Ayon din sa kanya, siya ang may-ari ng lupa katabi ng baybayin. Ginagamit daw niya ang baybayin bilang daungan ng kanyang bangka. Noong Nobyembre 23, 1990, ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kay Berto ang karapatan sa Foreshore Lease Agreement (FLA).
Noong Marso 4, 1994, nagsampa ng protesta si Lito sa DENR laban sa FLA na ibinigay kay Berto. Ayon sa kanya, siya ang talagang may-ari ng lupang katabi o kanugnog ng baybayin. Upang patunayan ito, isinumite niya ang kopya ng kanyang titulo na nakapetsa noong Enero 20, 1975. Lu-malabas sa titulo na ang lupa niya (lote 2-B) ay katabi mismo ng baybayin na pinaupahan ng DENR kay Berto. Hiningi ni Lito na makansela ang FLA dahil sa ginawang pandaraya at panloloko ni Berto.
Alinsunod sa utos ng CENRO (City Environment and Natural Resources Officer), isang geodetic engineer (agramensor) ang sumukat sa lupa. Nagsumite siya ng ulat noong Disyembre 10, 1995 at pinapatunayan sa ulat na talagang nakapagitna ang lupa ni Lito sa baybayin at sa lupa ni Berto. Noong Pebrero 1, 1996, naglabas naman ng utos ang DENR Regional Director. Ibinabasura ang protesta ni Lito. Base raw kasi sa mga sirkumstansiya at impormasyon na nakalap ay magkaiba naman daw ang lupang pinag-uusapan at ang lupang pag-aari ni Lito, ang lote 2-B. Wala raw personalidad si Lito para kuwestiyunin ang posesyon at okupasyon ni Berto sa lupa dahil ito ay base sa isang award na ibinigay ng DENR. Tama ba ang Regional Director?
MALI. Malinaw na napatunayan na si Lito ang may-ari ng lupang katabi ng baybayin na pinapaupahan kay Berto. Ang lupa niya ay sakop ng titulo bilang 8423 na hawak na niya magmula pa noong Enero 20, 1975. Malinaw nabago pa magsumite ng aplikasyon si Berto noong Nobyembre 16, 1989 at maaprubahan ang FLA noong Nobyembre 23, 1990 ay pag-aari na ni Lito ang lupang katabi ng baybayin. Kinumpirma din ito ng ulat at sketch na ginawa ng geodetic engineer noong Disyembre 12, 1995.
Bilang may-ari ng lupang katabi ng baybayin, mas may karapatan si Lito. Sa ingles, siya ang kinikilala natin na “riparian/littoral owner”. Ang karapatan niya ay alinsunod sa batas (par. 32 - Land Administrative Order no. 7-1) na pinagtibay noon pang April 30, 1936. Ito ay tugma sa lumang batas Kastila (Art. 4- Spanish Law of Waters of 1866) na nagsasaad na ang mga lupa ng gobyerno tulad ng pampang at baybayin ay ibibigay sa may-ari ng lupang katabi lalo at mapapatunayan na nadagdag na ito at hindi na naaanod ng dagat basta hindi na ito kailangan ng gobyerno para sa anumang paraan.
Kung tutuusin, kaya lang naman ibinibigay sa may-ari ng katabing lupa ang baybayin ay bilang pakunsuwelo din sa kanya para sa anumang bahagi ng lupa na masisira ng dagat. Siya na nawawalan ng lupa ang dapat magkaroon nito.
Sa kasong ito, malinaw na nandaya at nanloko si Berto nang sabihin niya na siya ang may-ari ng lupang katabi ng baybayin. Ayon na rin sa nakasaad sa FLA, anumang pandaraya at panloloko na gawin ng aplikante ay sapat na basehan upang makansela at mabawi sa kanya ang FLA. (Cantoja vs. Lim, G.R. 168386, March 29, 2010).