NANG akdain ang batas para sa pagkakaroon ng automated elections, marami ang nag-akala na katapusan na ng mga reklamo at paghahabol. Pero hindi pala, kung gaano karami ang nagrereklamo at naghahabol noong mano-mano pa ang election, gayundin ngayong automated na. At tila wala nang lugar na mapuwestuhan ang Commission on Elections (Comelec) dahil sila ang naiipit sa nag-uumpugang bato. Sila ang bagsakan ng sisi ng mga kandidatong nagrereklamo na nagkaroon ng poll fraud sa nakaraang May 10 elections. Karamihan sa mga nagrereklamo ay ang mga natalo sa election.
Kamakalawa, sinabi ni House Speaker Prospero Nograles na huwag munang bayaran ng Comelec ang Smartmatic. Ang Smartmatic ang nakakuha ng P7.2 bilyong kontrata sa Comelec para maisagawa ang kauna-unahang automated elections. Sabi ni Nograles, i-hold muna ang pagbabayad sa Smartmatic hangga’t hindi nabibigyan ng clean bill of health ng Congress Joint Oversight Committee ang kauna-unahang automated elections. Sinabi ni Nograles na dapat ihayag muna ng Smartmatic kung ipina-subcontract nila sa ibang kompanya ang pagsu-supply ng precinct count optical scan (PCOS) machines. Sabi pa ni Nograles, may reklamo na na-pre-programmed umano ang memory cards habang kina-canvass ang mga boto para sa presidente at bise presidente.
Hindi nga porke’t automated na ang elections ay wala nang magrereklamo na nagkaroon ng pandaraya. At ang mga nagrereklamo ay ang mga natalong kandidato. Si Nograles man ay natalo rin sa Davao. Tumakbo siyang mayor pero nilamangan ng kalaban.
Ilan pa sa mga nagrereklamo na nagkaroon ng poll fraud ay ang tatlong presidentiables na sina Jamby Madrigal, JC Delos Reyes at Nicanor Perlas. Maski si dating President Joseph Estrada umano ay magsasampa rin ng reklamo. Pumapangalawa kay LP standard bearer Noynoy Aquino si Estrada. May limang milyong boto ang kalamangan ni Noynoy kay Erap. Hindi naman magrereklamo si dating Makati mayor Jejomar Binay na mahigpit pa ring kalaban ni Mar Roxas ng LP para sa pagka-bise presidente.
Sabi ng Comelec, ginawa lamang nila ang tungkulin para maging matagumpay ang election. Tama ang ginawa nila at nasisiyahan sila sa resulta ng election. Ganunman, nakahanda sila sa mga reklamo.
Ma-automated man o mano-mano ay maraming reklamo. Saan patungo ang bansa kung ganito ang takbo? Dapat tanggapin ng mga natalo ang kanilang kapalaran at huwag nang palubhain ang isyu na wala namang matibay na batayan.