KAPAG ang isang appliance tulad ng isang radyo ay puwedeng isaksak sa plug ng kuryente sa bahay o di kaya kapag may brownout ay puwede rin gamitan ng battery, ang tawag diyan ay radyong AC/DC. May mga lalaki naman na puwedeng makipagtalik sa kapwa lalaki o sa babae at ang tawag sa kanila ay AC/DC din.
Itong si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai ay di naman yata gay o appliance pero bago mag-election noong May 10, siya ay nagmistulang AC/DC. Kasi noong Pebrero 2010 sa Hong Kong, maliwanag na inendorso niya si Sen. Manny Villar dahil matagal na raw niyang kaibigan ito. Noong Pebrero kasi, nagtabla si Sen. Noynoy Aquino at si Villar sa mga survey ng presidentiables. Pero nang iniwan na ni Noynoy si Villar sa survey ng mga 20% ilang araw bago mag-election, nagbago ang diskarte ni Velarde at siya’y nagdeklara na walang ini-endorse. Ibig sabihin, kung si Noynoy ang panalo, okay siya. Kung si Villar ang panalo, okay din siya. Ibang klaseng AC/DC itong mokong na ito.
Pero sa Navotas, hindi nag AC/DC si Velarde. Inendorso at ikinampanya niya si Jayjay Yambao ang kanyang son-in-law bilang congressman, ngunit talunan naman. Ikinampanya niya rin si Toots Ople sa pagka-senador at si Lito Atienza bilang Mayor ng Manila . Natalo si Toots at wala man lang sa top 30. Natalo rin at tinambakan ni Mayor Alfredo Lim si Atienza ng mga 200,000 votes.
Kaya ako ay hindi naniniwala kay Velarde dahil wala namang talab ang kanyang endorsement. Bilib ako sa pananamit niya. He reminds me of the great Liberace, the great gay pianist na ang mga sinusuot ay mga paiba-ibang kulay na matitingkad. Katulad ng kanyang pulitika na paiba-iba ng kulay!