MABILIS ang resulta ng nangyaring election sapagkat kinagabihan ay mayroon na agad resulta. Mabilis ang transmittal. Salamat sa makabagong teknolohiya. Kung nanatili sa mano-mano baka hanggang ngayon ay nagbibilang pa at wala pang naipoproklama. Marami ang nasiyahan sa resulta ng elections at maraming bansa ang nagpaabot ng pagbati sa Pilipinas. Bagamat nagkaroon ng kalituhan sa paghanap ng kanilang mga pangalan sa presinto noong election, marami pa rin ang nagtiyagang pumila para lamang ma-exercise ang karapatang bumoto. Nakita ng observers ang pagtitiyaga ng mga botante at lalo silang humanga.
Ganito rin naman sana kabilis ang gawin ng Kongreso. Dapat na nilang simulan ang pag-canvass sa mga boto ng presidente at bise presidente. Wala nang marami pang kuskos-balungos. Gawin na agad ang tungkulin para naman hindi mawalan ng saysay ang kauna-unahang automated elections. Tapatan nila ang ipinakitang pagsisikap ng Commission on Elections (Comelec). Dapat nang simulan ang canvassing para mawala ang agam-agam na madarama ang mamamayan.
Nakiusap na ang Comelec sa Kongreso na simulan na ang pag-canvass pero wala pa ring ibinibigay na konkretong petsa ang Kongreso. Tila pagbobotohan pa at kailangang isangguni pa sa kung sinu-sino. Ayon sa Omnibus Election Code, nararapat mag-convene ang Kongreso nang hindi lalampas ng isang buwan makaraan ang election para buksan ang certificates of canvass. Isang kongresista ang nagmungkahi na dapat ay May 24 sila magsimulang mag-canvass. Hindi pa malaman kung masusunod ang minungkahing petsa.
Hindi na dapat pinatatagal pa ang pag-canvass para sa boto ng nanalong presidente at bise presidente. Isagawa na agad ito para naman hindi mawala ang tiwala ng mga nagmamasid. Masasa-yang din ang pagsisikap ng Comelec para maging matagumpay ang automated election. Gawin na ang tungkulin habang maaga!