KASO ito ni Art. Nag-umpisa siyang magtrabaho bilang Quality Controller ng patuka (feeds) sa kompanyang BFMI noong Nobyembre 2, 1982. Ang negosyo ng kompanya ay magpalaki ng baboy at baka pati ang magpagiling ng mais.
Noong 1998, matapos ang 16 na taon, ginawang bodegero o warehouseman si Art. Trabaho niya ang tumanggap at maglabas ng mga sangkap ng feeds, mag-utos sa mga trabahador ng gilingan, mamahala sa pagsalansan at hiwalay ng mga sako at patuka base sa klase. Si Art din ang tumatayong controller ng kompanya.
Noong Setyembre 7, 1998, natanggap ni Art ang isang sulat mula sa kahera ng BFMI na si Rose. Tungkol ito sa pagbili ng isang kliyente, si Mildred, ng 3,000 pirasong sako sa halagang P3.50 kada sako. Matapos matanggap ang sulat, pinakita ni Art kay Mildred ang 68 bungkos/bundle ng sakong walang laman o 3,400 piraso ng sako na nakatali sa 50 piraso kada bungkos. Sa pakiusap ni Mildred, pinakarga ni Art ang 68 bundle upang ibaba sa gate matapos mabayaran.
Nang magbabayad na si Mildred, hindi tinanggap ni Rose ang tsekeng pambayad para sa sobrang sako. Pera lang ang tinanggap ni Rose kaya ang ginawang resibo at gate pass ay para lang sa 60 bundle. Hindi naman personal na nakita ni Art ang paghihiwalay at pagbababa sa sobrang 8 bundle. Hindi naalis ang 8 bundle kaya ang ibinaba sa gate ay ang 68 bundle. Nang madaaanan ni Rose ang bundle ng sako sa gate, ipinabilang niya ito dahil mukhang mas marami sa 60 bundle na binayaran. Nakumpirma na 68 bundle ang nasa labas ng gate.
Nang sumunod na araw o noong Setyembre 8, 1998, naglabas ng memo ang General Operations Manager ng BFMI. Pinagpapaliwanag si Art kung bakit 68 bundle o 3,400 sako ang ibinigay sa kliyente samantalang 60 bundle o 3,000 sako lang naman ang nabayaran at nakasulat sa resibo. Isa pang dapat niyang ipaliwanag ay kung bakit iba ang klase ng sakong ibinigay niya kumpara sa nasa sulat na bigay ni Rosa.
Noong Setyembre 9 at 10, 1998, nagsumite ng paliwanag si Art. Humingi siya ng dispensa sa nangyari ngunit ipinipilit niya na wala naman daw nawala sa kompanya. Simpleng pagkakamali lang daw ang nangyari dahil sa kanyang pagmamadali. Wala raw siyang malisya o masamang intensiyon. Noong araw ding iyon, sinuspinde si Art ng isang linggo at ipinaalam sa kanya na magkakaroon ng imbestigasyon ang kompanya sa Setyembre 11, 1998 sa ganap na alas kuwatro ng hapon.
Ginanap nga ang imbestigasyon, tinawag si Mildred, ang tagalista ng kompanya, 2 sekyu, 2 trabahador at ang dump truck driver upang magbigay ng kanilang pahayag. Hindi sumipot sa pagdinig si Art. Sa halip ay nagsampa siya ng kasong “illegal suspension” laban sa kompanya at sa GM noong Setyembre 14, 1998.
Noong Setyembre 15, 1998, naglabas ng sulat ang GM. Tinatanggal na si Art sa trabaho dahil sa nangyari. Seryoso raw ang naging pagkakamali ni Art. Nagsinungaling siya, nandaya at inabuso niya ang pagtitiwala ng kompanya.
Natanggap ni Art ang sulat noong Setyembre 18, 1998 kaya binago niya ang reklamo at ginawang “illegal dismissal” ang kaso imbes na “illegal suspension” lamang.
Ipinipilit naman ng BFMI at ng GM nito na legal ang pagtatanggal kay Art base sa kawalan ng tiwala at kumpiyansa ng kompanya sa kanya. Tungkulin daw ni Art na pa-ngalagaan ang mga ari-arian ng kompanya. Malinaw na panloloko ang ginawa niyang paglalabas ng higit sa nabayarang 3,000 sako. Tama ba ang kompanya?
TAMA lang ang pagtanggal sa isang empleyado base sa kawalan ng tiwala at kumpiyansa ng kompanya sa kanya basta dapat na a) hindi gawa-gawa lang ng kompanya ang nangyari, b) hindi ito isang paraan ng kompanya upang mapaalis ang empleyado sa trabaho sa isang dahilan na hindi naman tama, illegal at wala sa lugar, c) hindi inabuso ng kompanya ang kapangyarihan nito at d) totoo ang lahat ng nangyari at hindi basta inimbento lang upang pagtakpan ang maling layunin ng kompanya. Lahat ng nabanggit na panuntunan ay sinunod ng BFMI. Hawak ni Art ang isang posisyon kung saan pinagkakatiwalaan siya at binibigyan ng kapangyarihan sa mga ari-arian ng kompanya.
Sa umpisa pa lang ay ipinaliwanag na sa kanya ang kanyang tungkulin. Katulad ng ibang negosyo, may karapatan din ang BFMI na protektahan ang interes nito. Base sa nangyari noong Setyembre 7, 1998, hindi lang nilabag ni Art ang tiwalang ibinigay sa kanya ng kompanya. Siya pa mismo ang nagsilbing panganib sa operasyon nito. Hindi niya inintindi ang sulat ni Rose. Hindi rin niya sinunod ang mga patakaran ng kompanya at nawalan/nalugi pati ito dahil sa kanya. Seryoso ang kanyang ginawa lalo at hindi niya nabawas ang sobrang sako samantalang obligasyon niyang siguraduhin na tama ang bilang ng nilalabas sa warehouse. Nagawa niya ang lahat ng bagay na magdudulot ng kawalan at pagkalugi sa kompanya kung hindi lang nabisto agad. Tungkulin pa mandin niya ang maging tagapag-ingat sa mga ari-arian ng kompanya.
Kawawa naman ang kompanya kung ipag-uutos pa ng korte na ibalik si Art sa trabaho. Sa pagbibigay ng proteksyon ng batas sa karapatan ng mga manggagawa, dapat din na ikunsidera ang karapatan ng kanilang amo. Hindi puwedeng apihin at abusuhin ang amo para lang maipilit ang gusto ng manggagawa (Bibiana Farms and Mills Inc. vs. Lado, G.R. 157861, Feb. 2, 2010).