SI Senator Juan Flavier ay sumulat ng librong “Family Planning Made Easy.” Dito ay ikinuwento niya ang lahat ng nakatutuwa at nakatatawang istorya tungkol sa family planning.
Bakit ba dapat magplano ng pamilya? Ayon sa senador, maraming nanay at sanggol ang namamatay dahil sa hindi pagpaplano ng pamilya. Bawat taon, may 12,000 kababaihan ang namamatay dahil sa paglalaglag ng bata (abortion). At alam n’yo ba na may 300,000 sanggol ang naa-abort bawat taon. Grabe!
Ang layunin lang ni Flavier ay bigyan ng impormasyon ang ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap, tungkol sa family planning. Heto ang mga paraan:
1. Rhythm Method – Ang rhythm ay magagamit ng babaing regular ang pagregla. Kung ang menses ng babae ay bawat 28 araw, ang safe na araw para magtalik ay 7 araw mula sa unang araw ng pagregla. Ligtas din ang 7 araw bago dumating ang susunod na regla. Kung bibilangin natin ay 14 na safe days at 14 na hindi safe days. Ngunit kung ang babae ay hindi regular ang menses, hindi puwedeng gamitin ang rhythm.
2. Withdrawal Method – Ang withdrawal ay kung saan tinatanggal ng lalaki ang kanyang ari bago mag-orgasm o maglabas ng semilya. Mababawasan nito ang tsansang magbuntis ang babae, ngunit hindi po ito 100%. Ito’y dahil may konting semilya nang lumalabas kahit hindi pa nag-oorgasm ang lalaki.
3. Condom – Ang condom ay isang plastic na isinusuot sa ari ng lalaki. Napatunayan na ito’y makapagpipigil sa pag-laganap ng AIDS at sakit sa babae. Epektibo rin ang condom pang-family planning. Kaya lang, may mga lalaki na ayaw gumamit ng condom dahil hindi sila lubusang nasisiyahan sa kanilang pagtatalik.
4. Pills – May mga pildoras na iniinom araw-araw ng kababaihan para hindi magbuntis. Medyo safe naman po ito. Magtanong sa inyong obstetrician-gynecologist (doktor sa babae) o sa inyong health center tungkol dito.
May iba pang mga paraan ng family planning, tulad ng IUD (intra-uterine device) at diaphragm na hindi ko na tatalakayin. Puwede rin magpa-vasectomy ang lalaki o magpatali ang babae. May iba naman ang nagsasabi na “pigilan si Mister sa panggigigil.” Hindi naman ito puwede, hindi ba?
Napakamahal po ngayong magpaaral at magpalaki ng anak. Alamin natin itong mga paraan ng family planning. Pumili ng angkop sa inyo at sa inyong paniniwala. Good luck po!