TALAGANG hinintay ko ang huling araw ng 90-day campaign period para sa halalan bukas. Maigi kong binantayan ang mga kandidato sa pagkapangulo at kung paano nila dinala ang kani-kanilang kampanya.
Naging masalimuot at mainit ang kampanya na nagtapos hatinggabi kagabi. Mudslinging was the name of the game. Lahat ng dumi, basura o kahit anong putik ang lumalabas sa bibig ng mga kandidato para lang sirain ang kanilang kalaban. Ang tatalas ng mga dila nila na nakamamatay sa mga mahihina ang puso. Kulang na lang pagbarilin o di kaya’y sasaksakin nila ang kanilang mga katunggali upang maipanalo lang nila ang laban.
At natapos na lang ang prescribed campaign period, ngunit ni isang dakot ng putik walang binato si Lakas-Kampi-CMD standard-bearer Gilbert “Gibo” Teodoro kanino man sa kanyang mga katunggali sa presidential polls.
Mas madaling bumuwelta kaysa pigilan ang sarili sa pagresbak sa mga tumutuligsa sa iyo. Ngunit iba si Gibo. Talagang pinairal niya ang self-restraint at pinakita niyang nirerespeto niya ang bawat isa, kakampi man o kalaban sa pulitika.
Bukod-tanging si Gibo ang pinairal ang respeto, integridad at decency sa political exercise na ito. Hindi lang galing at talino ang pinakita ni Gibo sa mga mamamayan, ngunit pinamalas din niya ang kanyang strength of character sa harap ng lahat ng balakid sa kanyang kampanya.
Marami tayong natutunan kay Gibo. Alam ng lahat paano siya inalipusta at sinaksak ng harapan maging ng mga kasama niya sa Lakas-Kampi-CMD na silang humirang sa kanya bilang standard-bearer nila at nang-iwan din sa kanya at tumalon sa ibang partido sa gitna ng kampanya. Tiniis ni Gibo lahat at wala silang narinig sa kanya.
Nagpakita si Gibo ng political maturity sa gitna ng lahat ng nangyari sa Lakas-Kampi-CMD. He stuck it out with the party kahit na kaliwa’t kanan ang defections ng kanyang mga kasama tungo sa ibang partido.
Pinanindigan ni Gibo hindi lang ang kanyang kandidatura ngunit maging ang kanyang partido at napatunayan ng mga kasamahan niya na siya ay isang kandidatong they can be proud of.
Maging si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name ay tinawag si Gibo na ‘healing president’ dahil nga sa hindi niya pagsawsaw sa mudslinging.
Naging sentro ng kampanya ni Gibo tanging ang kanyang platform of government. Hindi siya nagpa-distract sa mga black propaganda na naglipana sa lahat ng sulok ng Pilipinas sa gitna ng campaign period.
Walang kaduda-duda rin ang galing at talino ni Gibo na isang Bar topnotcher na, licensed pilot pa at nakapag-aral sa Harvard. Magaling si Gibo sa talumpati at kaya niyang humarap sa ano mang debate at saan mang international forum.
Nabanggit ko itong galing ni Gibo sa debate at talumpati dahil naalala ko ang isang presidentiable na kung saan sa kanilang sariling ‘miting de avance’ noong isang gabi ay nagbasa pa ng kodigo ng kanyang speech. Hindi ko maintindihan paanong sa nakalipas nga na 90 days eh halos araw-araw siyang nangangampanya, hindi pa rin ba niya alam kung ano ang sasabihin sa kanyang mga supporters at kailangan pa niya ng kodigo? Wala ba siyang sariling pag-iisip?
Ito ’yung lamang ni Gibo dahil maipagmalaki talaga siya ng kanyang mga kababayan sa international community. Hindi kailangan ni Gibo ng kodigo upang makipag-usap sa mga foreign leaders sa anumang global issue. Tiyak makuha ni Gibo ang respeto ng mga foreign leaders at maiangat ang istado ng Pilipinas sa mundo.
At higit sa lahat binalik ni Gibo sa atin ang respeto sa ating bayan at sa ating mga sarili bilang Pilipino. Nasa atin na rin mga Pilipino kung paano natin maipakita na karapat-dapat tayo sa nasabing respeto ng isang presidential candidate na gaya ni Gibo Teodoro.
Malalaman natin ang sagot bukas, May 10, 2010.