MARAMI pa rin tayong dapat pasalamatan sa bansa natin. Sa kabila ng magulo at maruming taktika ng ilang kandidato, ang Pilipinas ay wala pa ring dinadaanang krisis katulad ng Thailand, Greece at iba pang bansa na kilalang walang problema sa pulitika at ekonomiya noon.
Ang Greece ay nasa gilid nang malalim na balon dahil sa nalusaw nilang ekonomiya. Humihingi na ito ng saklolo sa mga kalapit-bansa at sa European Union (EU). Sa sobrang sama na ng sitwasyon, nagkaroon ng implementasyon ng pagtaas ng buwis, pagbabawas sa mga pensyon at sahod ng mga mamamayan nito. Dahil sa mga ginawang kilos, nagprotesta ang malaking bahagi ng bansa, na umabot na sa pagkamatay ng tatlong tao. Mga banko ang pinag-iinitan ng mga nagpoprotesta. Hinagisan ng bomba ang isang banko kung saan tatlo ang namatay.
Nagbanta na rin ang Germany na kung hindi uubra ang tulong na binigay sa Greece, siguradong magsusunurang bumagsak na rin ang iba pang mga miyembro ng EU. Halos magkakabit kasi ang ekonomiya ng mga bansa sa EU. At kung akala ninyo na sa Asya lang matindi ang korapsyon – kung saan numero uno ang Pilipinas – korapsyon at katiwalian din ang nagpabagsak sa ekonomiya ng Greece. Dinedemanda nga ng mga demonstrador na hulihin at kasuhan ang lahat ng mandaraya sa buwis at mga tiwali na opisyal ng gobyerno.
Ganito ang ginagawa ng korapsyon. Parang kanser na tahimik at dahan-dahang pinapatay ang bansa. Malalaman mo na lang na namamatay ka na kapag grabe na at wala nang lunas. Ganito ang nangyari sa Greece. Wala na silang magawa kundi magpatupad ng mga kilos na hindi popular sa taumbayan. Kaya nagkakagulo na. Hihintayin pa ba natin mangyari sa atin ito? Mas maliit nga ang ating ekonomiya kumpara sa Greece, kaya siguro hindi pa natin nararamdaman ngayon dahil madali pang ayusin. Pero ganito na lang ba tayo lagi? Tagpi-tagping solusyon dahil lamang sa ayaw magpaawat ang iba diyan pagdating sa korapsyon? May boses ang mamamayan sa darating na Mayo 10. May mga kandidato diyan na wala ni isang bahid ng korapsyon, at kapakanan lamang ng bansa ang iniisip. Sila ang ilagay nating pinuno ng pamahalaan, nang sa ganun, maantala na ang kanser na unti-unting inuubos ang bansa natin.