Matutuloy nga ba?

TATLONG araw na lang at eleksyon na --- kung matutuloy. Ang problema, itong Smartmatic-TIM ay tila walang alam sa binebenta nilang kagamitan! Parang isang ahente na nagbebenta nang washing machine, na hindi alam kung kailangan lagyan ng tubig o hindi, kasi automatic naman daw! May iba yatang ibig sabihin ng TIM at tila minumura tayong hindi natin alam! Bakit ngayon lang, kung kelan araw na lang ang binibilang sa isang kamay, nag­lalabasan ang mga diperensya at kapalpakan nito!

Ilang sektor ang naglabas ng galit at pangamba sa nangyayari. Si dating Energy Secretary Angelo Reyes pumutok sa Comelec. May mga nagbanta ukol sa pagpapaliban o di pagkakaroon ng halalan sa Lunes, habang ang iba naman ay pinipilit na ipagpaliban na muna habang palpak pa ang Smartmatic-TIM. Bayad na ba sila ng buo? Kung hindi pa, huwag na lang siguro bayaran dahil napakasama ng serbisyo na ibinigay sa mamamayang Pilipino. Sino ba ang mga teknikal na tao niyan? Mga kuwalipikado ba o kung saan-saan lang pinulot para makatipid at lumaki ang kita? Bakit kasi ngayon lang ginagawa ang lahat ng testing na iyan?

Kaya hindi nawawala sa isip ng tao na may itim na kamay na nagpapagalaw sa mga pangyayaring ito. Sasabayan pa ng mga pahayag ng propeta ng kapahamakan na si Sec. Norberto Gonzales, na halos lahat ng pahayag ay ukol sa katapusan na ng demokrasya! Masyadong kaduda-duda ang timing ng mga pangyayari. Masyadong malapit sa halalan mismo kaya parang hindi na aabot ang mga “solusyon” nung mga problema! Pati mga kababa-yan nating nasa ibang bansa ay nadidismaya sa mga nagaganap na kapalpakan ng Comelec at Smartmatic-TIM.

May mga dayuhan pa naman na papunta na ng Pilipinas para ob­serbahin ang pambansang halalan sa Lunes, Mayo 10. Ganito ba ang makikita nila? Na hindi pinaghandaan nang ma­buti ng Comelec ang mga pwedeng maging problema mula sa mga “imported” na PCOS machines na iyan? Pagtatawanan ba muli tayo ng buong mundo at tatawaging banana republic, tapos mapipikon tayo? Mukhang lumalabas muli ang namana natin mula sa mga Kastila – ningas kugon. Yung mga dapat ginawa na noon, ngayon lang ginagawa. Magaling.  

Show comments