ANG liderato ni Abra Gov. Eustaquio “Kit” Bersamin ang nakataya habang patuloy na lumalala ang peace and order situation sa probinsiya niya. Bilang governor, dapat pangalagaan ni Bersamin ang kapakanan at kinabukasan ng kanyang constituents. Subalit sa pagpatay kay Mario Acena, na driver ni Bangued mayoral candidate Ryan Luna at iba pang kaguluhan sa Abra, mukhang bigo si Bersamin na gampanan ang pagka-lider niya. Lumalabas na nag-aaway-away ang mga pulitiko sa bakuran niya subalit walang ginagawa si Bersamin para malutas ang problema. Kapag hindi kumilos si Bersamin baka magulat na lang siya na ang mga residente ay wala nang tiwala sa kanya. Dapat tuldukan ni Bersamin ang kaguluhan sa Abra kung gusto niyang humaba pa ang kanyang termino.
Kaya nakaupo si Bersamin sa Abra ay dahil sa pagkamatay ng kapatid na si Rep. Luis Bersamin. Nawala kasi ang tiwala ng mga residente kay Gov. Valera dahil sa akusasyon na siya ang nasa likod ng pag-upak kay Rep.Bersamin. Si Gov. Bersamin ang nagtamasa sa pulitika dahil sa simpatya ng Abrenos sa kapatid niya.
Sa ngayon, walang kalaban si Bersamin sa darating na elections. Pinakiusapan ng taga-Simbahan at kapwa pulitiko ang kalaban niya na umatras na para makamit ng Abra ang goal ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa na gawin itong pinakamatahimik na probinsya sa buong bansa. Ang Abra ay tinaguriang “killing fields” ng Cordillera region noong mga nakalipas na elections dahil sa mga patayan doon. Noong 2007 elections, 28 katao ang namatay sa Abra dahil sa sunud-sunod na ambush ng mga alipores ng mga pulitiko. Nagkaroon pa ng covenant for peace ang mga pulitiko subalit hindi nila sinusunod.
Nagsimula ang kaguluhan sa Abra nang kampihan ni Bersamin ang inaanak niyang si Joy Bernos, ng PDSP, na nais palitan si Rep. Cecille Luna. Si Bernos ay anak ni Bangued Mayor Dominic Valera na noong Marso ay mi-yembro ng NP. Subalit nitong malapit na ang elections, sa tulong ni Bersamin, naging Lakas-Kampi-CMD sina Valera at anak na si Bernos at naitsa-puwera sina Luna at mga anak niya. Mayroon pang tarpaulin si Bersamin na itinataas ang kamay ni Bernos na ikinatampo ng kampo ni Luna, ng Lakas-Kampi-CMD.
Saan ba talaga ang loyalty mo, Bersamin? Sa inaanak mong si Bernos o sa partido mo? Kung hindi maikampanya ni Bersamin si Luna, aba dapat maging neutral na lang siya, Kaya habang painit nang painit ang sitwasyon sa Abra, nakatingin ang mga botante sa urong-sulong na si Bersamin. Dapat itayo ni Bersamin ang bandera ng Lakas-Kampi-CMD sa Abra at huwag siyang mamangka sa dalawang ilog!