GASGAS na at paulit-ulit na lamang ang mga sumbong laban sa mga nagkalat na fixers sa loob at labas ng mga pang-gobyernong tanggapan.
Iisa lang naman ang laman ng reklamo ng mga nabiktima, naloko, naisahan, naitakbo ang pera o na-wan-tu-tri.
Nakakadismaya ang sitwasyon ng mga nabibiktima dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang kampanya ng bawat ahensiyang huwag makipagtransaksiyon sa mga fixers, marami pa rin ang tumatangkilik ng kanilang serbisyo.
Malakas na ang mga fixers daw ay tauhan mismo ng mga empleyadong nasa loob ng tanggapan.
Kapag gumamit kasi ng fixer, mas mahal ang bayad sa serbisyo kaya’t may porsiyento ang taong lalakad ng kanilang papeles o kailangan sa loob ng tanggapan.
Bakit nga ba mas mahal ang bayad sa kanilang serbisyo? Dahil ang kanilang inaalok ay mabilisan, madalian at kumportableng serbisyo.
Hindi na kinakailangan pang pumila maghapon at mangawit sa kaka-hintay para ikaw ang umabot sa counter o window para sa iyong pakay.
May ilang sinusuwerte na lehitimo ang mga dokumento at natupad ang pangako ng mga serbisyo ng mga fixer.
Subalit ang masakit na katotohanan, mas marami ang naloloko, naiisahan at napeperwisyo.
Isama na natin sa mga biktima ‘yung mapagsamantala ring mga costumer na alam na nilang may problema o alanganin ang kanilang nilalakad sa bawat tanggapan, subalit sa paggamit raw ng fixer malulusutan anumang problema. Sa huli, sila rin ang umuuwing luhaan at talunan. Paulit-ulit na babala ng BITAG, huwag na huwag makipagtransaksiyon at tumangkilik ng serbisyo ng mga fixer.
Dahil hindi totoong ang hatid nila’y mabilis, magaan at magandang serbisyo kundi katakut-takot na perwisyo. Panoorin ngayong Sabado!