NABABANGGIT ang kasabihang ito kapag may nagaganap na hindi kapani-paniwala o kaya’y labag na sa sentido komon. Parang sinasabi na kaya nangyari ang isang bagay ay dahil sa Pilipinas nangyari, o dahil pinayagang mangyari ng mga Pilipino. Sa madaling salita, binabanggit ang kasabihang ito kapag may hindi magandang nangyari. Si Jocelyn “Jocjoc” Bolante ay tumatakbo bilang gobernador ng Capiz. Si Bolante ‘yung dating Agriculture Usec na ilang taon ding nagtago sa Amerika dahil sa pagkakadawit sa fertilizer scam. Sinubukan niyang maging mamamayan ng Amerika, pero sinuka rin siya at ibinalik sa Pilipinas. Sinalubong siya, sinakay sa wheelchair, nagmukhang may malubhang sakit, tinakbo sa St. Lukes.
Nang hindi na umubra ang kanyang tuluyang pag -confine sa St. Lukes, pinatawag na sa Senado. Doon, tinanong nang husto tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa iskandalong iyon. Naglabasan ang iba pang mga karakter sa dramang ito, at lumabas na sobra-sobra nga ang patong sa presyo ng fertilizer na binili umano ng gobyerno. Nahinto ang mga pagdinig sa Senado, kaya ngayon, tatakbo na siyang gobernador. Only in the Philippines.
Ang sabi nga, kung mananalo siya sa darating na halalan, eh bumaliktad na nga ang mundo. Kaya pursigido ang LP na mangampanya sa Capiz, nang hindi nga bumaliktad ang mundo. Hindi ko maisip kung bakit iboboto pa ang isang taong katulad ni Bolante na hindi pa ligtas sa paglilitis hinggil sa Fertilizer Scam. Hindi naman siguro ganyan ang mga taga-Capiz. Kung si Virgilio Garcillano ng “Hello Garci” hindi nagtagumpay sa kanyang probinsiya noong 2007, siguro ganundin si Bolante. Maliban na lang kung tulungan nang husto ng sinusuporta niyang kandidato sa pagka-presidente. Siguradong pagtatawanan ang Capiz ng mga ibang probinsiya kung sakaling manalo nga si Bolante.
Kung ang isang miyembro ng Gabinete ni President Arroyo, na sangkot sa isang malaking anomalya at hindi pa nakakasuhan, ang sumusuporta sa iyo, ano ang masasabi tungkol diyan? Only in the Philippines.