AYON sa isang ginawang survey sa apat na bansang ASEAN, ang Pilipino raw ang lumalabas na hindi magrereklamo dahil sa masamang serbisyong matatanggap mula sa isang tindahan, call center, banko, restaurant o ahensiya ng gobyerno. Ang mga bansang kasali sa survey ay ang Thailand, Singapore at Malaysia. Hindi raw natin ugali ang magreklamo kapag nararamdaman natin na masama ang natatanggap na serbisyo bagama’t tayo ang pinaka maraming transaksiyon sa mga negosyo o ahensiya sa apat na bansang sinali sa survey.
Sang-ayon ako sa survey na ito. Napansin ko rin na mga Pilipino na naninirahan na sa ibang bansa ay mas mareklamo kaysa sa mga lumaki at naninirahan pa rin dito. Kapag may mga kasama akong dayuhan o balikbayan, mareklamo talaga sila kahit sa maliliit na bagay katulad ng damit na may sinulid, pagkain na hindi mainit na mainit, at lalo na kapag hindi makasagot ang mga tindera o customer service sa mga tanong at reklamo nila. Hindi ko rin sila masisi dahil marami talagang tindera, customer service, pati na mga manager ng mga negosyo o tindahan ay hindi alam ang gagawin sa maraming sitwasyon. Kailangan mo pang hintayin ang pinakamataas na opisyal o ang may-ari mismo ng negosyo para matulungan ka. Kaya siguro marami na rin ang hindi nagrereklamong mga Pilipino ay dahil alam na wala rin namang matutulong ang mga tindera o customer service.
Ano ngayon kung hindi mareklamo ang Pilipino? Masamang kaugalian din ito dahil tinitiis na lang natin ang mga maling ginagawa sa atin. Makikita iyan sa pagturing natin sa ating gobyerno. Sa panahon ni Marcos, ilang dekada ang lumipas bago naisip ng Pilipino na “tama na, sobra na”? Dalawampung taon ang lumipas bago tayo pumalag. Isipin ninyo kung gaano katagal iyon! Kaya siguro ganun din tayo kapag masamang serbisyo ang natatanggap natin mula sa mga negosyo o tindahan. Natitiis na lang natin. At sino sa apat na bansa ang pinaka mareklamo? Singapore. Kumpara naman natin ang kanilang bansa sa Pilipinas sa larangan ng ekonomiya at kaunlaran. Napakalayo nila. Dapat siguro mas mareklamo na tayo, at ipaglaban ang ating karapatan bilang customer. Pinaghirapan nating pera ang ginagastos kaya dapat lang na maganda ang serbisyo sa atin, di ba? Baka umunlad na rin tayo katulad ng Singapore! Gaganahan ka nga naman gumastos sa isang lugar na maganda ang serbisyo di ba?